COVID19: Dahilan ng Paglobo ng Utang sa 2020

covid19

Mas malaki ang uutangin ng Pilipinas para labanan ang epekto ng COVID19 virus.

Mas Malaki ang Uutangin ng Pilipinas Dahil sa COVID19 Virus

Uutang nang mas malaki ang gobyerno ng Pilipinas ngayong 2020 dahil sa inaasahang pagbagsak nang 91B piso sa revenue collection dahil sa pagbagal ng paglago ng ekonomiya dahil sa coronavirus.

RELATED: Global Recession: Di na Maiiwasan Dahil sa COVID-19

Sa isang press briefing ni Department of Finance Secretary Carlos Dominguez III, inaasahan na papalo ang budget deficit na katumbas ng 3.6% ng gross domestic product (GDP) kung hanggang Hunyo pa ang economic impact ng virus. Ayon kay Dominguez, ang mas malaking pag-utang ay para masustentuhan ang ambisyosong Build, Build, Build infrastructure program ni Duterte.

Inaasahan ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na aabutin ng budget deficit ang 3% maximum programmed ceiling ngayong 2020. Ganun din, inaasahang bababa nang 1% ang paglago ng ekonomiya kaya di na naman maaabot ng bansa ang GDP target na 6.5%- 7.5% ngayong taon.

Turismo at kalakalan ang sinasabing malaki ang ambag sa pagbagal ng paglago ng ekonomiya.

Bakit Importanteng Pag-usapan ang Budget Deficit?

Nagkakaroon ng budget deficit kapag mas malaki ang ginagastos ng gobyerno kesa sa kinikita nito. Noong 2019, pumalo sa 3.5% ang budget deficit samantalang 3.25% lamang ang target ng gobyerno. Ito na ang pangalawang beses sa kasaysayan ng Pilipinas na mas mataas ang annual budget deficit kesa sa ceiling na itinalaga ng gobyerno.

Naging agresibo ang paggastos ng gobyerno noong fourth quarter ng 2019 kaya umabot ng 6.8% ang budget deficit samantalang di naman naabot ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang target nitong tax collection noong isang taon. Nakakolekta lamang ang ahensya ng 2.17T piso samantalang 2.33T piso ang target nito.

Kapag hindiĀ  naabot ng gobyerno ang revenue target, kailangan nitong mangutang para matustusan ang mga gastusin. Ang binabanggit na budget deficit figure ay depende sa paglago ng GDP. Kapag mababa ang GDP, mas lumalaki ang utang ng gobyerno.

Sobra-sobra na ba ang Utang ng Gobyerno?

Ayon sa datos ng Bureau of Treasury, nasa 7.7T piso na ang utang ng Pilipinas noong 2019 at ang debt-to-GDP ratio ay nasa 41.9%. Hindi naman nito naungusan ang target ng gobyerno na 42%. Ang debt-to-GDP ratio ay indikasyon ng kakayahan ng gobyerno na bayaran ang pagkakautang nito, base na rin sa produksyon ng bansa.

RELATED: TRIPLE ANG INILAKI NG INUTANG NG GOBYERNO SA 1ST QUARTER NG 2019

Mataas pa rin naman ang credit rating ng Pilipinas at di naman inaasahan ng gobyerno na mahihirapan sila sa pag-utang nang mas malaki dahil sa paglaganap ng COVID19 na syang nakakaapekto sa economic activity ng bansa.

Source:

Rivas, R. (2020, March 11). Philippines to borrow more than planned to combat coronavirus impact. Retrieved from Rappler: Philippines to borrow more than planned to combat coronavirus impact