CITIRA Act: Marami ang Mawawalan ng Trabaho?

citira act

Magkaiba ang sinasabi ng DOF at ng mga negosyante tungkol sa epekto ng CITIRA Act.

CITIRA Act: 700,000 trabaho ng mga Pilipino ang mawawala

Sa panukalang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA), asahan na ang pagkawala ng 700,000 trabaho sa unang taon ng pagpapatupad nito. Ito ang naging babala ng Joint Foreign Chambers (JFC) of the Philippines.

RELATED: CITIRA Bill: May Matitira Kayang Investors Pagkatapos?

Ito ang presentation na inihain ni JFC representative John Forbes sa Senado kamakailan. Ayon sa organisasyon, sisirain ng CITIRA ang matagumpay na incentive system kung saan malaki ang benepisyong natatanggap ng mga dayuhang namumuhunan sa bansa.

Ang CITIRA ay ang pangalawang yugto ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) ng rehimeng Duterte. Ito ang dating Tax Reform for Attracting Better and High-quality Opportunities (TRABAHO) bill. Layunin ng panukalang batas na ayusin ang pagbibigay ng fiscal incentives sa mga dayuhang kumpanya at ibaba ang corporate income tax (CIT) sa 20% mula sa 30% sa loob ng 10 taon. Naaprubahan na ng House of Representatives ang nasabing panukalang batas at hinihintay na lamang ang bersyon ng Senado na pinag-aaralan pa ng Ways and Means Committee.

Si Forbes ay isang senior adviser ng American Chamber of Commerce of the Philippines. Ayon sa kanya, 202M direktang trabaho at humigit-kumulang 8M di direktang trabaho ang naibibigay ng mga foreign investors. Malalagay sa alanganin ang mga trabahong ito kapag naipasa ang CITIRA Act.

Inaasahan ng grupo na 121,000 Pilipino ang mawawalan ng trabaho dahil dito. 582,000 di direktang trabaho naman ang mawawala kaya nasa 700,000 ang kabuuang mawawalan ng ikabubuhay. Ayon kay Forbes, kung pananatilihin ang kasalukuyang tax incentives, masusuportahan nito ang paglago ng bilang ng may trabaho. Kung di tatanggalin ang umiiral na tax incentive system, lalago ang mga industriya ng 5%-10%. Makakagawa pa ng 1-2M bagong direktang trabaho at 4-8M di direktang trabaho sa loob ng 10 taon.

JFC hiningan ng katibayan tungkol sa kanilang pagtutol sa CITIRA

Hinamon ng Department of Finance (DOF) ang Joint Foreign Chambers (JFC) of the Philippines na magbigay ng katibayan tungkol sa sinasabi nilang maraming Pilipino ang mawawalan ng trabaho kapag ipinatupad ang CITIRA.

Pinanindigan din ni DOF Undersecretary Karl Kendrick Chua na makakagawa ng 1.5M trabaho ang nasabing panukalang batas kapag naipatupad na ito. Ngunit, iba naman ang sinasabi ng JFC. 700,000 ang mawawalan ng hanapbuhay dahil dito.

Dagdag pa ni Chua, maraming kumpanya ang mag-invest sa Pilipinas dahil sa pagbabawas ng corporate income tax. Kapag nangyari ito, 1.5M Pilipino ang magkakaroon ng trabaho. Maging ang mga kumpanyang myembro ng JFC ay makikinabang sa pagpapababa ng CIT at magdedesisyon pa silang lalong mag-invest sa bansa dahil malaki ang kanilang natipid sa pagbabayad ng buwis.

IBON kinukwestyon ang sinasabi ng DOF na makakagawa ng trabaho ang CITIRA

Ayon sa research group na IBON, imahinasyon lamang ang sinasabi ng DOF na higit sa 1M trabaho ang magagawa kapag binawasan ang corporate income tax. Ibig lamang ng ahensya ng pamahalaan na bigyan ng katwiran ang pagpapatupad ng isang regressive tax measure. Tataas ang kita ng mga kumpanya sa nasabing panukalang batas. Tataas din ang sweldo ng mga executives. Ngunit, walang kasiguraduhan na dadami ang trabaho o tataas ang sweldo ng mga ordinaryong empleyado.

Ipinaalala rin ng IBON ang dating pahayag ng DOF hinggil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na mabibigyan ng benepisyo ang 99% ng mga Pilipino. Sinabi ito ng ahensya kahit na alam nitong 17.2M pamilyang Pilipino ang may dagdag na pasanin dahil sa pagpapatupad nito. Pakonswelo na lamang nila ang temporary cash transfers sa kanila.

Ngayon naman, 99% ng mga kumpanya ay makikinabang sa pagbabawas ng corporate income tax at makakagawa ito ng 1.5M trabaho para sa mga Pilipino. Wala naman itong basehan. Ibig lamang ng DOF na mabigyang katwiran ang isinusulong nilang CITIRA.

Kaduda-duda ang pahayag ng DOF dahil wala namang estimates sa magagawang trabaho ang isinumite ng ahesya sa Kongreso noong 2018. Matatandaang sa isang Senate hearing, sinabi ni Chua na, “We do not see a job impact.” Kinontra lamang sya ni Department of Labor and Employment (DOLE) director Dominique Tutay na nagsabing, “Mayroon po [mawawalan ng trabaho].” Bigla lamang idineklara ng DOF noong October 17, 2018 sa isang press release na makakagawa ng 1.4M trabaho ang panukalang batas.

Wala namang datos na nagpapatunay na tama ang pahayag ng DOF. Sa ngayon, may sapat nang kita ang mga kumpanya kahit na wala pa ang pagpapababa ng corporate income tax. 75% ng mga naglalakihang kumpanya ang nagbabayad ng corporate income tax. Tumaas nang 12% kada taon ang kita ng marami sa mga ito. Kumpara noong 2008 na 415B piso ang naitalang kita ng mga nasa Top 1000 corporations, naging 1.33T piso pa nga ang kita nila noong 2017.

RELATED: 140,000 ang Mawawalan ng Trabaho kapag Ipinilit ang TRAIN 2

Isang pandaraya ang pagsasabing makakapagbigay ng 1.5M karagdagang trabaho ang pagpasa ng CITIRA Act dahil di nito isinaalang-alang ang realidad na bumabagal ang ekonomiya ng buong mundo, nagiging mahina ang kalakalan, bumabagsak ang foreign investment, at nagpapatuloy ang protectionism habang bumagal din naman ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa loob ng 17 quarters.

Itataas lamang ng CITIRA Act ang kita ng mga kumpanya na syang magdudulot ng mataas na sweldo ng mga executives. Ngunit, walang kasiguraduhang tataas ang sweldo ng mga ordinaryong manggagawa dahil higit sa 10 taon nang walang pagtataas sa sahod kahit na tumataas ang labor productivity.

 

 

Sources:

Caraballo, M. U. (2019, September 25). ‘Citira to cut 700,000 PH jobs’. Retrieved from The Manila Times: ‘Citira to cut 700,000 PH jobs’

IBON Media. (2019, October 3). IBON questions CITIRA job creation claims. Retrieved from IBON Foundation: IBON questions CITIRA job creation claims

Padin, M. (2019, October 1). JFC told to back up CITIRA job loss claims. Retrieved from The Philippine Star: JFC told to back up CITIRA job loss claims