Build Build Build: Dismal Failure Nga Ba?

build build build

Umaaray ang gobyerno sa sinabing dismal failure ang Build Build Build. Totoo naman kaya?

Drilon: Dismal failure ang infra program ng rehimeng Duterte

Ayon kay Senate Minority Leader Frank Drilon, dismal failure ang infrastructure program ng rehimeng Duterte dahil na rin sa teribleng kinahinatnan ng mga proyekto nito.

Sa budget interpellation sa Senado, dinepensahan ni Senator Sonny Angara ang budget ng National Economic and Development Authority (NEDA). Ayon sa kanya, babaguhin ng NEDA ang listahan ng mga proyekto dahil napagtanto nilang hindi pwedeng isakatuparan ang iba at isasama na lamang ang mga proyektong pwedeng magawa pa.

Dalawang proyekto lamang ang nakumpleto ng rehimeng Duterte hanggang October 15, ngunit 75 proyekto ang nakapila at 9 proyekto naman ang nagsimula na. Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, hindi na nila isusulong ang ilang big ticket projects.

Ayon kay Senator Drilon, balewala ang binagong listahan kung ang mga proyekto ay hindi pa napapasimulan. Kahit naman libo-libong proyekto ang nakalista, kailangang bilangin ang mga proyektong napasimulan na ang paggawa at ginagastusan na ng gobyerno dahil ito ang magpapaunlad ng ekonomiya.

Ayon kay Angara, higit sa 12 proyekto ang matatapos sa isang taon. 17 proyekto naman ang matatapos sa 2021 at 26 naman sa 2022.

Sa interbyu ni Drilon sa media, sinabi nyang dismal failure ang infrastructure program ng rehimeng Duterte. Dalawa at kalahating taon na lamang ang natitira sa administrasyon pero wala naman maraming proyekto ang natatapos.

Ano ang ulat ng COA hinggil sa mga proyektong pang-imprastraktura?

Noong 2017, 75 infrastructure projects ang ibinida ng NEDA. High impact raw ang mga ito at nasa ilalim ng mga departamento ng public works, enerhiya, transportasyon, at agrikultura. Ngunit, sa pinakahuling report ng Commission on Audit (COA), mabagal ang paggastos ng pera at mga naantala ang pagpapatupad ng mga proyekto.

Noong 2018, iniulat din ng COA na 118.4B piso ang naantala o hindi pa naipapatupad na mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH). 157 sa mga naantalang proyekto ay mga di nakaabot sa deadline o standard at nagkakahalaga ng 5.62B piso.

Samantala, sinabi rin ng COA na mabagal ang paggastos ng Department of Transportation. 48.36B piso ang di pa nagagastos na para sa 175 proyekto na pinondohan ng gobyerno at 11 naman ang pinondohan ng ibang bansa. Sa bagong listahan ng rehimeng Duterte, 32 na lamang ang mga proyektong nasa orihinal na listahan ang napasama sa bagong lista.

Ano-ano ang mga bagong idinagdag sa listahan ng Build Build Build projects ng rehimeng Duterte?

Mula sa orihinal na 75 proyekto, naging 100 infrastructure projects na ang laman ng bagong listahan na nagkakahalaga ng 4.23T piso. Kalahati ng mga proyekto ay nakadepende sa Official Development Assistance (ODA) samantalang ang ibang proyekto naman ay popondohan ng Public-Private Partnership (PPP) at ng gobyerno.

Ngunit 32 na lamang na proyekto ang kasama mula sa orihinal ng listahan at 68 proyekto ang mga bagong proyekto. Hindi na isinama ang Luzon-Samar at Bohol-Leyte Link Bridges at ang Cebu-Bohol at Cebu-Negros bridges dahil dekada ang bibilangin bago ito matapos. Ganun din, 10 bridge projects ang kinansela ng DPWH sa Metro Manila at popondohan sana ng mga utang mula sa China at sa Asian Development Bank (ADB).

RELATED: Metro Manila Traffic: Di Maintindihan ni Duterte

Kasama rin sa listahan ang pagsasaayos ng mga daan sa Mindanao at ang pangalawang yugto sa reconstruction ng Marawi. Inaasahang matatapos ang mga ito sa 2024. Isinama rin ng gobyerno ang malapit nang matapos na Metro Manila Skyway Stage 3 at NLEX-SLEX Connector Road na sinasabing malaking tulong para maibsan ang masikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila. Wala namag ginastos ang gobyerno rito dahil PPP projects ang mga ito at unsolicited o hindi naman nakaplano bilang mga proyekto ng gobyerno.

RELATED: Ano ang Mangyayari sa Marawi Kung mga Dating World Bank-Blacklisted Chinese Firms ang Mag-Rebuild Nito?

Inamin naman ni Presidential Adviser for Flagship Programs and Projects Vivencio Dizon na mga maling proyekto ang pinili ng gobyerno tatlong taon na ang nakakalipas dahil masyadong mahal o hindi pa pwedeng maisakatuparan ngayon. Sa pagtatapos ng Hulyo 2019, dalawang proyekto pa lamang sa lumang listahan ang natapos: ang pagkukumpuni ng drainage sa Pasig River na pinondohan ng Japan at ang dredging ng Pulangi River na pinondohan ng gobyerno.

Sa panibagong listahan, 35 proyekto na ang napasimulan at higit sa 11 proyekto ang nasa lumang listahan. Ang lahat ng 100 flagship projects ay mapapasimulan sa termino ni Duterte. 38 proyekto ang matatapos sa 2022 at 22 pang proyekto ang magiging partially operational. 40 proyekto ang maiiwan sa susunod na administrasyon para tapusin.

Mga kategorya ng mga bagong infrastructure projects

  • Transport and mobility – 3.84T piso
  • Power and energy – 20B piso
  • Water – 163.43B piso
  • Information and communications technology – 80.83B piso
  • Urban development and renewal – 13.34B piso

Magbabago pa rin ang listahan ng mga Build Build Build infra projects

Ayon kay Dizon, magbabago pa rin ang listahan dahil mas bukas na ang gobyerno sa pagtanggap ng mas maraming unsolicited proposals mula sa pribadong sektor. Higit sa 20 proyekto ang isasailalim sa PPP pero matatandaang ayaw nila noon sa mga ganitong kasunduan dahil matagal daw ang usapan kapag popondohan ng pribadong sektor. Pero, sa ngayong nahimasmasan na sila, payag na sila basta di raw ito disadvantageous sa gobyerno.

Ayon sa Fitch Solutions, isang economic research firm, inaasahang malaki ang maiaambag ng PPP sa pagpapalawak ng infrastructure program ng rehimeng Duterte. Pero, ayon din sa kanila, mabagal ang pagpapatupad ng mga reporma para masolusyunan ang mga isyu gaya ng di pagiging epektibo ng gobyerno na syang magiging dahilan sa pag-angat ng mga panganib para sa mga investors na syang makakapagbagal lalo ng pagpapatupad ng mga proyekto.

Aminado naman ang Presidential Adviser on Flagship Programs and Projects na nagkamali sila sa pagpili ng mga infra projects noong una. So, ito ay pag-amin din naman na dismal failure talaga ang ibinanderang mga proyekto di ba?

Sources:

Lopez, M. (2019, November 13). ‘Build Build Build’: New projects dominate in overhaul of priority list. Retrieved from CNN Philippines: ‘Build Build Build’: New projects dominate in overhaul of priority list.

Rey, A. (2019, November 12). Drilon calls Build Build Build a ‘dismal failure’. Retrieved from Rappler: Drilon calls Build Build Build a ‘dismal failure’