BSP: Matatag Pa Rin Ang Banking Industry Kahit Na May Krisis Sa Hanjin

BSP: Matatag Pa Rin Ang Banking Industry Kahit na May Krisis sa Hanjin

Walang masyadong epekto ang nangyari sa Hanjin.

Mababa Lamang ang Panganib sa Krisis sa Hanjin

Ayon sa mga financial regulators ng bansa, matatag pa rin ang banking system ng Pilipinas.

Sa pahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas, may kumpyansa ang organisasyon na kayang mapagtagumpayan ng limang malalaking bangko ang anumang problema sa pautang nila sa Hanjin Heavy Industries and Construction Corp. Philippines.

Inaasahan din ng BSP na susunod ang mga ito sa mga regulasyon.

Matatandaang nag-file ng bankruptcy ang Hanjin noong isang linggo. May pagkakautang itong nagkakahalaga ng US$412M pesos.

Ang mga bangkong may malaking pautang sa Hanjin ay ang mga sumusunod:

  • Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC)
  • Land Bank of the Philippines (LandBank)
  • Metropolitan Bank and Trust Co. (Metrobank)
  • Bank of the Philippine Islands (BPI)
  • Banco de Oro Universal Bank (BDO)

Nag-usap-usap na ang mga presidente ng mga bangkong ito noong isang linggo at napagkasunduan nilang magkaisa para maibalik ang kanilang mga pautang.

Ibebenta ang mga ari-arian ng Hanjin sa isang strategic investor para maibalik ang kanilang pera.

Ayon naman sa BSP, matatag ang banking industry dahil nakapagpatupad na sila ng strategic reforms sa loob ng dalawang dekada.

Malaki pa rin ang kapital ng industriya. Noong June 2018, nagtala ito ng 15.35% capital adequacy ratio na mas mataas pa sa 8% na international standards. Sa Pilipinas, ang standard para sa capital adequacy ratio ay 10%.

Lumago ng 11% ang total assets ng industriya noong 2018. Ang non-performing loans ay naitala lamang sa 1.83% ng kabuuang mga pautang noong October 2018.

Ang loan-loss reserves ng mga bangko ay nasa 109.9% ng kanilang bad loans. 0.24% lamang ng kabuuang loans ang pautang sa Hanjin at 2.49% naman ng foreign currency loans ng Foreign Currency Deposit Units.

Ayon kay Alfred Dy, CLSA Philippines research head, kayang mapagtagumpayan ng banking system ang problema sa Hanjin kahit na ito ang pinakamalaking corporate bankruptcy sa kasaysayan.

Nasa 9.76T pesos ang kabuuang pautang ng banking system. Ang 21.55B pesos na pautang sa Hanjin ay 0.22% lamang ng 9.76T.

Walang systemic risk.

Ano ang corporate bankruptcy?

Nagpa-file ng corporate bankruptcy ang isang kumpanya kapag lugi na ito o di na nito kayang mabayaran pa ang mga pagkakautang. May prosesong sinusunod sa bankruptcy. To make it simple, ibinebenta ang mga ari-arian ng kumpanya para may ipambayad sa mga pinagkakautangan.

May mga certain rules na sinusunod sa bankruptcy kaya nga sa kaso ng Hanjin, nagkasundo ang big creditor banks na magkaisa. Wala kasing kabutihang maidudulot kapag nagsamantala ang ilan sa kanila. Magkakagulo lamang at lalong tatagal ang proseso.

Sa corporate bankruptcy, unang binabayaran ang mga empleyado pero syempre mahirap din ito para sa kanila. Sa kaso ng Hanjin, 23,000 empleyado ang nawalan ng trabaho. So, ung problema nila ay kung saan sila hahanap ng panibagong trabaho.

Ano ang Capital Adequacy Ratio?

Ang capital adequacy ratio ay isang sukatan ng kapital ng isang bangko para mapamahalaan ang anumang panganib sa pautang nito. Ito ay porsyento ng kapital na inilalaan para protektahan ang mga depositors at maitaguyod ang efficiency at stability ng financial system.

May pormulang sinusunod para maglaan ng kapital para maging sapat ito sa posibleng mangyaring anumang krisis. Gaya ng sinabi ng BSP, nasa 15.35% ang capital adequacy ratio ng mga bangko. Ito ay mas mataas pa sa international at Philippine standards.

Ano ang Loan Loss Reserve?

Ang loan loss reserve ay perang reserba para sa anumang estimated losses sa pagpapautang na pwedeng maranasan dahil sa di nagbayad ang pinautang.

Halimbawa:

Nagpautang si Bank A ng 10M pesos sa iba’t ibang kumpanya at indibidwal. Kahit na naging maingat ito sa pag-approve ng pautang, may mga pangyayaring tulad ng delay sa pagbabayad, pag-renegotiate ng pautang, o di pagbabayad ng utang na kailangang paghandaan ng bangko.

May estimate na si Bank A kung ilang porsyento sa 10M ang posibleng magkaroon ng aberya. Halimbawa, nag-set aside na sya ng 100k pesos para sa loan loss reserve nito.

So, kung ang isang may utang ay di nagbayad ng 10k pesos, kukunin lamang ito dun sa reserba. Accounting entry lamang naman ito.

Bakit Importante ang Loan-Loss Reserve?

Ang loan loss reserve ay importante para sa mga investors at analysts. Ito ay isang indikasyon kung gaano katatag ang pautang ng isang bangko.

Hindi lamang din bad lending decisions ang dahilan ng loan losses. Posible rin namang may mga pagbabago sa macroeconomic factors na nakaapekto sa mga may utang.

Ano ang Systemic Risk?

Ang systemic risk ay isang posibilidad na may mangyari sa isang kumpanya na makakapagdulot ng pagbagsak ng ekonomiya o ng industriya.

Noong 2008, ang systemic risk ang syang sinasabing dahilan ng financial crisis. Sinasabing ang mga malalaking kumpanya na pinapaniwalaang hindi matitinag ang syang systemic risk.

Sinasabing walang systemic risk kahit na limang naglalakihang bangko ang apektado sa bankruptcy ng Hanjin sapagkat ipinapakita naman ng datos na nananatiling matatag ang mga ito.

Di makakabuti ang magkaroon ng spekulasyon sa panahon ngayon. Di naman ito ang unang pagkakataon na may nag-file ng bankruptcy although ito na ang pinakamalaking bankruptcy sa kasaysayan.

Sapat ang assets ng Hanjin para mabayaraan ang mga pagkakautang nito. Un nga lang, dadaan sa proseso at posibleng taon ang bilangin bago mabayaran ang lahat ng pinagkakautangan.

Natuto rin naman ang BSP sa mga past events na nangyari sa financial sector kaya nag-implement sila ng mga reporma. Matatag pa rin ang banking sektor kahit na may Hanjin crisis.

 

 

Sources:

Chen, J. (2018, January 16). Systemic Risk.

Retrieved from Investopedia: https://www.investopedia.com/terms/s/systemic-risk.asp

De Vera, B. O., Lucas, D. L., & Dumlao – Abadilla, D. (2019, January 14). Minimal risk seen from Hanjin crisis.

Retrieved from Inquirer: https://business.inquirer.net/263540/minimal-risk-seen-from-hanjin-crisis

Investing Answers. (n.d.). Loan Loss Reserves.

Retrieved January 14, 2019, from Investing Answers: https://investinganswers.com/financial-dictionary/debt-bankruptcy/loan-loss-reserves-2790

Kenton, W. (2018, May 31). Capital Adequacy Ratio – CAR.

Retrieved from Investopedia: https://www.investopedia.com/terms/c/capitaladequacyratio.asp

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *