Balik Probinsya Program: Magtatagumpay Kaya?

balik probinsya program

Ano ang kahihinatnan  ng Balik Probinsya Program na pinirmahan ni Duterte? Magtatagumpay kaya ito?

Duterte Pinirmahan ang Executive Order Hinggil sa Balik Probinsya Program

Iniutos ni Duterte ang pagpapatupad ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program para mabawasan ang tao sa Metro Manila at maisulong na rin ang pagpapaunlad ng mga kanayunan. Ang Executive Order 114 ay bumuo ng isang konseho na syang magbibigay ng pangkalahatang direksyon sa pagpapatupad ng nasabing programa at para masigurado na rin ang pagsunod ng mga ahensya ng gobyerno.

RELATED: Global Energy: Paano Naapektuhan ng Coronavirus?

Ang nasabing konseho ay pangungunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea at Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua bilang vice chairperson. Myembro naman nito ang iba’t ibang secretaries ng mga departamento ng pamahalaan.

Ayon sa EO, ipapatupad ang nasabing programa para makontrol ang masyadong pagdami ng populasyon sa National Capital Region at mapaunlad ang mga kanayunan. Binibigyan nito ang konseho ng 30 araw para bumalangkas ng mga guideline para sa pagpapatupad ng programa. Inatasan din ito na magsumite ng report dalawang beses sa isang taon.

Ang nasabing programa ay isinusulong ni Bong Go bilang pangmatagalang solusyon sa pagpigil sa paglaganap ng mga sakit sa hinaharap. Ganun din, hinihimok ang mga tao, lalo na ang mga informal settlers at mga nakatira sa mga peligrosong lugar, na bumalik na sa kanilang mga probinsya

Piñol: Mapapaunlad ng Balik Probinsya ang mga Kanayunan

Ayon kay Mindanao Development Authority (MinDA) Secretary Emmanuel Piñol, hindi naman recycled ang nasabing programa para lamang maitulak na bumalik na sa mga probinsya ang mga mahihirap na pamilya.

Ito ay katibayan na mali ang government planners at economic managers noon na magtayo ng mga urban center habang kinalimutan na ang mga pangangailangan ng mga mahihirap sa kanayunan. Ang Balik Probinsya ay gumagamit ng “Whole of Nation Approach” dahil kasama sa pagpaplano ang mga departamento at ahensya ng pamahalan.

Hindi naman ito sagot lamang ng gobyerno sa pandemya, ngunit pag-amin na rin na mali ang mga polisiya sa paghahati ng mga government resources. Para magtagumpay ang nasabing programa, kailangang pagtuunan ng pansin ang pagbibigay ng mas maraming pondo sa mga kanayunan. Kailangang bigyan ng mas maraming oportunidad sa ekonomiya ang mga probinsya at bigyan ang mga ito ng mga karapatdapat na insentibo. Ayon kay Piñol, kailangang bigyan ng mas malaking pondo ang Mindanao.

Salceda Dinipensahan ang Programa

Ayon naman kay Albay Congressman Joey Salceda, mali ang pagsipat ng ilang Pilipino sa Executive Order 114. Maliwanag sa nasabing EO na isang sintomas lamang ang pagsisikip ng populasyon sa mga syudad sa Pilipinas. Kakulangan sa paglinang ng mga kanayunan ang programa kaya hindi  nya matukoy kung saan galing ang ideya na ibig lamang ipatapon ng gobyerno ang mga mahihirap sa probinsya nang hindi nasosolusyunan ang mga problema.

Maliwanag ang direktiba ng Malacañang na buuin ang isang tunay na sistemang maka-Pilipino kung saan ang mga kanayunan at siyudad ay parehong lumalago at umuunlad. Magiging mas makatao ang living conditions sa mga syudad kapag napasimulan na ang pagpapaunlad ng mga kanayunan.

TUCP: Hindi Magtatagumpay ang Balik Probinsya Program

Ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), hindi magtatagumpay ang Balik Probinsya hanggat malaki ang agwat ng sahod sa kabisera at sa mga probinsya. Kailangan munang ipatupad ang pagkakaroon ng national daily minimum wage na higit sa 850 pesos bago pa pag-usapan ang bagong programang isinusulong ng gobyerno.

Ayon kay TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, ang anumang programang naglalayon na mahikayat ang mga manggagawa na manatili sa kanilang mga probinsya ay hindi magtatagumpay dahil sa pagkakaiba ng sahod.

Ang mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) ay tumatanggap ng 537 pesos kada araw samantalang ang mga nasa probinsya ay sumasahod lamang ng 290 pesos hanggang 404 pesos. Kung hindi itataas ang sahod sa mga probinsya, hindi rin naman magtatagal ang ganitong programa. Madaling mahikayat ang maraming manggagawa na bumalik sa kanilang mga pinagmulan dahil sa pandemya ngunit kapag bumalik na sa normal ang sitwasyon, magsisibalikan din sila sa NCR dahil sa mas mataas ang sweldo dito.

Mga Maling Aral ng Pandemya

Ang pagsisikip ng populasyon sa mga syudad ang sinasabing kontrabida sa nararanasan nating coronavirus pandemic sa ngayon at naisipang para maipatupad ang social distancing ay dapat bawasan ang tao sa mga sentro. Wala rin namang katiyakan na ang Balik Probinsya ang magsisiguradong magkakaroon ng mas mabuting kalusugan ang mga Pilipino.

Ang Banta ng mga Sakit na Galing sa Hayop

Ang kabalintunaan ng planong pagbabawas ng populasyon sa mga syudad bilang sagot sa pandemya ay ang hindi pag-iisip sa posibleng epekto ng paglilipat ng sakit mula sa hayop sa tao.

Ang pagbabalik ng mga Pilipino sa mga probinsya ay nangangahulugan ng pagbabago ng gamit sa mga lupain at mga nakasanayang gawain sa pagsasaka. Ang mga ito ang sinasabing dahilan sa pagkakaroon ng mga sakit na galing sa hayop na nasasalin sa mga tao. Ang pagkasira ng tirahan ng mga hayop, ang pagsusulong ng agrikultura sa mas lumiliit na lupa, at ang pagkain ng karne ng mga hayop sa mga kagubatan ang sinasabing nakakaistorbo sa kalikasan at sa ugnayan ng tao at mga hayop sa mga gubat at maging sa mga tahanan.

Bakit kailangan nating mabahala sa mga sakit na galing sa hayop? Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC), 75% ng mga nakakahawang sakit ay galing sa hayop gaya ng ng COVID-19 na syang nagtulak para magkaroon ng global lockdown habang naghahanap ng gamot para dito.

Pagpapadala ng mga Mahihirap sa mga Probinsyang Mahina ang Pagtugon sa Primary Healthcare

Isa pang balakid sa Balik Probinsya Program ay ang kakulangan ng katibayan na ang mga naglalakihang pamilya ay magkakaroon ng kapareho o mas higit na kalidad ng buhay sa mga probinsya. Maraming mga proyekto ng gobyerno sa pabahay ang walang tubig o kuryente dahil sa kakulangan sa pondo. Ganun din, wala rin namang ibinigay na kabuhayan sa kanila.

Kinukwestyon na nga ng mga lokal na pamahalaan ang planong ito dahil sa marami sa kanila ay walang magandang ekonomiya na makakatulong sana na mamalagi ang mga residente dito. Ganun din, wala rin namang matinong primary healthcare sa mga kanayunan.  Kaya nga mga nagsialisan ang mga Pilipino sa kanilang mga lugar ay dahil sa kulang ang oportunidad sa kabuhayan at maging sa healthcare doon.

Kung walang malinaw na plano para sa pagpopondo sa mga pangangailangang pisikal, panlipunan, at pang-ekonomiya, ang paglisan ng mga pamilya sa mga lungsod ay isang bangungot lamang sa mga lokal na pamahalaan at maging sa mga nagsibalik na pamilya sa mga probinsya.

Pag-aambag sa Climate Change

Ang urbanisasyon ng mga lugar sa Pilipinas ay nangangailangan ng ugnayan ng iba’t ibang bagay gaya ng transportasyon, pagpapaigting ng agrikultura, at pagkaubos ng mga gubat na syang nakakaapekto sa climate change at greenhouse gas emissions. Ayon sa Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), ang transport emission ang responsible sa 25% ng carbon dioxide emissions sa buong mundo.

Ang masaklap dito ay hindi naman ito bumababa dahil sa mas dumarami ang mga sasakyan. Ito ay makikita sa mga developing at emerging economies gaya ng Pilipinas. Ang pagpapatupad ng Balik Probinsya Program ay nangangailangan ng pagpaplano ng mga syudad at rehiyon.

Pangangailangan sa Mas Maayos na mga Syudad

Ang paghahanap ng mga solusyon sa mabilis na pagkalat ng coronavirus sa mga syudad ay hindi madaling maunawaan. Posibleng ang Balik Probinsya ang sagot, ngunit hindi ito simple. Kailangan ang mga plano para makontra ang anumang negatibong kahihinatnan ng nasabing programa. Hindi kailangang isawalangbahala ang mga isyu ng hindi pagkakapantay-pantay at kalusugan.

Ang kasaysayan ang natuturo sa atin ng mga aral kapag mayroong pandemya. Halimbawa, ang cholera sa London noong 19th century at ang typhoid fever sa Philadelphia noong 20th century ang syang magbibigay sa atin ng malalim na pag-intindi sa water systems at sewage management. Nagkaroon ng mas magandang health institutions sa Pilipinas dahil sa pandemyang dulot ng cholera noong 1902-1904.

RELATED: Global Economy: Paano Naapektuhan ng Coronavirus?

Ang karanasan natin sa quarantine ang syang magbibigay sa atin ng mga nakakaintrigang pananaw para sa posibleng pagbabago ng sistema. Halimbawa, ang hamon sa disenyo at pagbabago para sa food sufficiency. Matagal nang problema ang pagkakaroon ng problema sa supply chains para makarating ang produkto sa mamimili. Kaugnay nito ang desentralisasyon ng mga serbisyo.

Nakita natin kung paano nagsumikap ang mga komunidad para matugunan ang kanilang mga pangangailangan kahit na limitado ang kanilang mga oportunidad. Napansin natin ang pagbaba ng pagkonsumo dahil sa mas limitadong supply. Posibleng hindi naman ito masamang ideya.

Dumarami ang mga literature kung ano ang mangyayari sa mundo matapos ang lockdown dahil sa pandemya na dulot ng coronavirus. Hindi naman kailangang makadagdag pa sa paglala ng sitwasyon ang Balik Probinsya Program ng gobyerno.

 

Sources:

Fenequito Jr., A. (2020, May 17). ‘Balik Probinsya’ program to show shift of development efforts to countryside – Piñol. Retrieved from Manila Bulletin: ‘Balik Probinsya’ program to show shift of development efforts to countryside – Piñol

Lopez, V. (2020, May 6). Duterte issues EO on Balik-Probinsya program. Retrieved from GMA News: Duterte issues EO on Balik-Probinsya program

Quismorio, E., & Casayuran, M. (2020, May 19). Salceda defends ‘Balik Probinsya’ program, cites benefits. Retrieved from Manila Bulletin: Salceda defends ‘Balik Probinsya’ program, cites benefits

Redoblado, S. (2020, May 9). [OPINION] Balik-Probinsya: Are we learning the wrong lessons from the pandemic? Retrieved from Rappler: [OPINION] Balik-Probinsya: Are we learning the wrong lessons from the pandemic?

Yee, J. (2020, May 17). TUCP: ‘Balik Probinsya’ program bound to fail. Retrieved from Inquirer: TUCP: ‘Balik Probinsya’ program bound to fail