BAKIT PATULOY ANG PAGBAGSAK NG INVESTMENT PLEDGES SA PEZA?

Kailangang hanapan ng solusyon ng rehimeng Duterte ang patuloy na pagbagsak ng investment pledges sa PEZA.

Bumagsak ng 41% ang Investment Pledges sa PEZA noong 2018

Noong 2018, nagtala ng mas mababang investment pledges ang Philippine Economic Zone Authority o PEZA. Ang pledges ay bumagsak ng 41% sa 140.24B pesos mula sa naitalang 237.57B noong 2017.

Ang itinuturong salarin: ang pagbabago ng incentives program sa bagong tax reform program o TRAIN 2 o TRABAHO bill.

Ang mga investment projects ay para sa mga ecozones ng PEZA. Sa pagbaba ng investments, natural lamang na nabawasan din ang bilang ng mga proyekto ng 4.51% sa 529 mula sa 554 noong 2017.

Ayon kay PEZA director general Charito Plaza, ang mabagal na pagdating ng mga investments ay dahil sa di pa matukoy ng mga foreign investors kung itutuloy ng rehimeng Duterte ang pagpasa ng TRAIN 2 o TRABAHO bill. Ganun din, election year kasi kaya mas pinili ng mga investors ang maghintay na lamang kung babaguhin nga ng administrasyon ang incentives program o hinde.

Ang TRAIN 2 o TRABAHO bill ay nakapasa na sa House of Representatives at inaasahang magbababa ng corporate income tax sa 20% sa 2029 mula sa kasalukuyang 30%. Ngunit, magkakaroon din ng pagbabago sa fiscal incentives ng mga kumpanyang nasa PEZA dahil tatanggalin na ang 5% tax on gross income earned incentive. Ibig sabihin, magbabayad na ang mga kumpanyang nasa PEZA ng ordinaryong corporate income tax.

Ngunit, importante ang 5% tax on gross income earned ng mga kumpanya dahil ito ang nagsisilbing pang-engganyo sa mga foreign investors na magtayo ng kumpanya sa Pilipinas.

Ayon kay Plaza, hindi nagdagdag ng investments at nag-expand ang mga kumpanya noong 2018 dahil sa napipintong pagpasa ng TRAIN 2 o TRABAHO bill.

Patuloy ang Pagbagsak ng Investment Pledges sa PEZA ngayong 2019

Bumagsak ng halos 25% ang investment pledges sa PEZA sa unang apat na buwan ng 2019. Natakot ang mga foreign investors sa napipintong pagpasa ng TRAIN 2 o TRABAHO bill.

Ayon kay Plaza, 20 multinational companies ang nagpasiyang wag mag-invest sa Pilipinas dahil sa di pa alam ang kahihinatnan ng nasabing tax reform program sa Kongreso. Mula sa naitalang investment pledges sa unang apat na buwan noong 2018 na 39.085B pesos, bumagsak sa 29.494B pesos lamang ang investment pledges. Bumaba rin sa 159 ang mga proyekto sa PEZA mula sa 161 noong isang taon.

Maging sa sektor ng IT ay bumaba rin ang investments mula sa 4.985B pesos sa parehong period noong 2018 ay nagtala lamang ng 4.632B pesos investments ngayong taon.

Ngunit, tumaas naman ang bilang ng mga nagkaroon ng trabaho sa PEZA. Mula sa 1,378,655 trabaho noong Enero – Abril noong 2018, nagtala ang PEZA ng 1,480,134 trabaho ngayong 2019.

Ayon kay PEZA Spokesperson Elmer San Pascual, mas mahirap kumbinsihin ang mga kumpanya na mag-invest at magpalawak ng negosyo sa mga ecozones ngayon.

Hindi makapangako ang PEZA sa mga investors tungkol sa kahihinatnan ng TRAIN 2 o TRABAHO bill.

Karamihan sa mga foreign investors ay mas pinipili ang Thailand, Indonesia, at Vietnam para pagtayuan ng kanilang mga negosyo. Ang mga kumpanyang ito ay malalaking kumpanyang kilala sa buong mundo sa industriya ng bakal, electronics, at garments.

Angara: Kailangang Magpatuloy ang Tax Incentives sa PEZA

Noong Abril 2019, sinabi ni Senator Sonny Angara na importante ang special economic zones sa paglago ng trabaho sa mga lugar kung nasaan ang PEZA.

Kaya, kailangang ipagpatuloy ng gobyerno ang pagbibigay ng tax incentives sa mga kumpanya. May mga local investors din sa mga ecozones dahil ibig nilang makakuha ng tax incentives.

Posibleng Makabawi ang Investment Pledges sa Ecozones

Nagsusumikap makabawi ang Philippine Economic Zone Authority sa mababang investment pledges. Ramdam na ramdam ang paghina ng dating ng investments sa Pilipinas dahil sa takot ng mga investors na ipatupad ang TRAIN 2 o TRABAHO bill.

Sa pagtatapos ng 17th Congress ngayong Hunyo, inaasahan ng Philea o Philippine Ecozones Association na tuluyan nang di maisasabatas ang TRAIN 2 o TRABAHO bill.

Kapag di naipasa ang nasabing batas, makakahinga na kahit papaano ang mga investors. Posibleng magdesisyon na sila na magpalawak pa ng operasyon sa PEZA.

Ipinakita na ng mga local and foreign investors kung paano nila tinututulan ang napipintong pagtatanggal ng 5% tax on gross income earned nila. Hindi sila nagdagdag ng pondo para sa expansion ng kanilang mga negosyo sa bansa. Malaki ang ibinagsak ng investment pledges sa PEZA.

Kailangan na ng rehimeng Duterte na tuluyang ibasura ang pagtatanggal ng tax incentives sa mga kumpanya sa economic zones. Ekonomiya ng Pilipinas at trabaho ng mga Pilipino ang nakataya rito.

 

Sources:

Cahiles-Magkilat, B. (2019, June 2). PEZA investment pledges down 24.54%. Retrieved from Manila Bulletin: PEZA investment pledges down 24.54%

Desiderio, L. (2019, January 14). PEZA investment pledges down 41% in 2018. Retrieved from Philippine Star: PEZA investment pledges down 41% in 2018

Rosales, E. (2019, May 23). Ecozones see growth as ‘Trabaho’ bill founders. Retrieved from Business Mirror: Ecozones see growth as ‘Trabaho’ bill founders

Torregoza, H. (2019, April 5). Angara stresses tax incentives for investors in ecozones must continue. Retrieved from Manila Bulletin: Angara stresses tax incentives for investors in ecozones must continue