Bakit may mga Agam-agam pa rin sa Kabila ng Pag-angat ng Manufacturing Sector?

Bakit may mga Agam-agam pa rin sa Kabila ng Pag-angat ng Manufacturing Sector?

Lumago ang manufacturing sector ng Pilipinas noong Mayo. Pero, worried pa rin pa rin ang mga eksperto.

Tumaas ng 1 puntos ang Manufacturing Purchasing Managers’ Index ng Pilipinas Noong Mayo

Dahil sa malaki ang demand, lumago ang manufacturing sector ng Pilipinas noong Mayo. Ito ay ayon sa HIS Markit for Nikkei, Inc. Ngunit, mabilis pa rin ang pagtaas ng presyo noong nakaraang buwan.

Ayon sa Nikkei Philippines Manufacturing Purchasing Managers’ Index, nagtala ang Pilipinas ng 53.7 index para sa buwan ng Mayo. Ito ay mataas ng isang puntos kumpara sa 52.7 noong buwan ng Abril. Ito na ang pangatlong magkasunod na buwan na nagpakita ng paglago ang manufacturing sector.

Ganun din, ang pinakahuling Purchasing Managers’ Index ang pinakamataas na naabot ng Pilipinas para sa 2018. Kung ang index ay mataas sa 50, ibig sabihin ay lumalago ang ekonomiya. Kung mas mababa naman sa 50, ibig sabihin ay nag-contract o umurong ang ekonomiya.

Ipinakita ng datos ang mas mabilis na pagtaas ng produksyon, at panibagong mga orders at inventories.

Ngunit, mataas pa rin ang halaga ng mga raw materials noong Mayo. Ito ay dahil sa kakulangan ng supply ng raw materials, mababang halaga ng piso, mataas na presyo ng bilihin sa pandaigdang merkado, at mga reporma sa pagbubuwis ng rehimeng Duterte.

Dahil dito, kailangang itaas ng mga manufacturing companies ang kanilang mga selling prices. Ganun din, dumarami rin ang nale-layoff o nawawalan ng trabaho dahil sa pagtitipid ng mga kumpanya. Ayon sa survey indicators, patuloy na lalago ang economic activity sa mga susunod na buwan.

 

Ano ang Purchasing Managers’ Index at Bakit Ito Mahalaga?

Ang Purchasing Managers’Index ay isang economic indicator na inilalathala kada buwan. Ang datos ay kinokolekta mula sa mga purchasing managers sa isang bansa.

Kasama sa datos ang mga bagong orders, factory orders, inventories, supplier’s delivery times, at employment levels. Ang mga participants sa survey ay mga purchasing managers na kelangang sumagot ng “improvement”, “no change”, o “deterioration” sa mga tanong.

Importanteng economic indicator ang PMI o Purchasing Managers’ Index sapagkat tinitingnan ito ng mga investors para malaman kung lumalago o hindi ang isang bansa. Ganun din, ginagamit ng mga investors ang PMI bilang indicator tungkol sa paglago o pagbaba ng Gross Domestic Product. Ginagamit din ito ng central bank para isa sa mga basehan para makagawa ng monetary policy.

Magandang indikasyon ang malagong manufacturing sector. Ngunit, di lamang ito ang indikasyon na ginagamit para sa pagtataya ng ekonomiya ng bansa.

 

Sources:
Cigaral, I.N. (2018, June 1). Philippine manufacturing further picks up steam in May. The Philippine Star. Retrieved from https://www.philstar.com/business/2018/06/01/1820680/philippine-manufacturing-further-picks-steam-may

Wohlner, R. (n.d.). Economic Indicators: Purchasing Managers Index (PMI). Investopedia. Retrieved from
https://www.investopedia.com/university/releases/napm.asp