BAKIT MAY INCOME INEQUALITY KAHIT NA MAGANDA ANG TAKBO NG EKONOMIYA?

Parang ganito lang yan, bakit bumoboto ang mga Pilipino ng mga elitistang magpapayaman lamang sa kanilang kauri?

Lumalawak ang Di Pagkakapantay-Pantay kahit na Lumalago ang Ekonomiya

Sa mga rehiyon sa Pilipinas, makikita pa rin ang malawak na pagkakaiba ng mayaman at mahirap kahit na sinasabing patuloy ang paglago ng ekonomiya.

Ayon kay NEDA Undersecretary Adoracion M. Navarro, mas yumaman ang mga dati nang mayayaman na rehiyon kaya mas yumaman din ang mga mayayamang Pilipino sa lugar. Ang mga mayayaman kasi ay nasa mga rehiyong mayayaman din tulad ng National Capital Region.

Dapat tayong maging masaya dahil malaki ang iniunlad ng ekonomiya at maganda rin naman ang mga numerong ipinapakita hinggil sa kahirapan. Ngunit, iba namang usapin ang income inequality.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, ang Eastern Visayas at Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) ang may pinakamababang average per capita ng gross regional domestic product rate. 0.8% lamang sa Eastern Visayas at 0.5% naman sa ARMM mula 2012 hanggang 2018. Mataas din ang poverty rate sa mga lugar na ito.

Mataas ang income inequality sa Eastern Visayas, ngunit pinakamababa naman sa ARMM. Sa Eastern Visayas ang per capita o per person GRDP ay nasa 38,598 pesos, samantalang nasa 14,657 pesos naman ang sa ARMM.

Ano ang Ginagawa ng Pilipinas para Solusyunan ang Income Inequality?

Ganito rin naman ang inequality sa ibang parte ng mundo, lalo na sa mga bansang mataas ang economic growth gaya ng Pilipinas. Ayon kay Navarro, mayroon namang cash transfers at reporma sa sistema ng pagbubuwis para masolusyunan ang inequality. Ngunit, aminado rin naman syang hindi ito sapat.

Ayon din kay Navarro, kailangang bigyan ng pansin ang sektor ng agrikultura. Ibig ng NEDA na gawing agricultural hub ang CARAGA region para di na ito dumepende sa mining.

Malaki rin ang pwedeng iambag ng manufacturing sector sa pagpapababa ng income inequality sa mga rehiyon. Kailangan din ang pagpapabuti ng ICT o information and communications technology dahil ito ang magbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga mamamayan sa mga low-income regions. Ganun din, makakatipid ang gobyerno sa pagsusulong ng income redistribution programs.

Makakatulong din ang pagpasa ng Comprehensive Tax Reform Package para matugunan ang problema sa income inequality. Halimbawa, ang pagtataas ng buwis sa sigarilyo at alak ay kayang pondohan ang Universal Health Care.

Paano Lumago ang mga Rehiyon mula 2009 hanggang 2019?

Source: Rappler

Ang pinakamayamang rehiyon sa buong Pilipinas ay ang National Capital Region o NCR. Meron itong GRDP per person noong 2018 na 253,893 pesos. Kumpara noong 2009, lumaki ito ng 40% mula sa 181,748 pesos.

Samantala, pinakamahirap na rehiyon naman ang ARMM na may GRDP per person na 14,657 pesos noong 2018 at 14,052 pesos noong 2009.

Ayon kay Navarro, ang may pinakamababang GRDP na mga rehiyon ang syang may malawak na lugar para sa agrikultura. Kaya, dapat pagtuunan ng gobyerno ang pagpapabuti ng productivity sa agrikultura at pangingisda sa mga rehiyon.

Kailangang maisama ang mga maliliit na magsasaka at mangingisda sa mga malalaking negosyo. Ganun din, kailangang magkaroon ng iba pang istratehiya gaya ng farm diversification kung saan may kakayahang pumili ang mga magsasaka ng mga produktong kanilang itatanim para kumita nang mas malaki.

ARMM at CARAGA, Mas Mabilis Lumago ang Populasyon Kesa sa Ekonomiya

Source: Rappler

Ganun din, napag-alaman ng NEDA na ang mga rehiyon na may pinakamababang GRDP per person ay mayroon ding mas mabilis na pagdami ng populasyon.

Posibleng mas lumawak ang income inequality sa mga rehiyong ito dahil sa mabilis din ang paglobo ng populasyon doon. Kailangang isulong ng local government sa ARMM at CARAGA ang mga programa ng gobyerno sa family planning at reproductive health.

Paano nating maipagyayabang sa buong mundo na patuloy na gumaganda ang takbo ng ating ekonomiya kung ang mga mayayaman lamang ang sumasagana at hindi ang mga mahihirap?

 

Sources:

Ignacio, R. N. (2019, May 30). Income inequality widening amid strong economic growth. Retrieved from Business World: Income inequality widening amid strong economic growth

Rivas, R. (2019, May 30). IN CHARTS: Rich Philippine regions get richer, poor ones barely improve. Retrieved from Rappler: Rich Philippine regions get richer, poor ones barely improve