ATM Charges Posibleng Mas Tumaas

atm charges

Pati pala ATM charges balak na ring itaas. Juskelerd.

Interbank ATM charges itaas na rin

Noong September 2013, ipinag-utos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagpapatigil ng pagtataas ng interbank ATM charges. Libre lamang ang paggamit ng ATM kapag ginamit ito sa mga branch ng bangko kung saan may bank account ang depositor. Ngunit, pwedeng maningil ang mga bangko sa mga di naman nila customers.

Inilabas ang memo ng BSP dahil sa reklamo ng maraming depositors na sobra sobra ang sinisingil ng ilang bangko sa paggamit ng ATMs. Ayon naman sa banking industry, naniningil sila sa pagbibigay ng convenience sa mga gumagamit.

RELATED: Bakit Laging Walang Pera ang mga ATMs ng Landbank?

Noong April 2018, pinayagan na ng BSP Monetary Board ang pagtataas ng ATM fees. Noong isang buwan, pinaalalahanan nito ang mga bangko na maningil lamang ng karampatang fees.

Ipinag-utos din na kailangang ipaalam sa mga cardholders kung magkano ang sinisingil na ATM charges. Kailangang nakapaskil sa ATM location at sa screen mismo ng machine ang halaga ng sisingiling fee sa withdrawal.

Pinapayagan ng BSP ang paniningil nang naaayon sa pagpapasiya ng mga bangko, ngunit kailangang kaya nila itong ipaliwanag. Ang anumang bangko na ibig magtaas ng ATM fee ay kailangang magsumite ng request sa nasabing government regulator.

House of Representatives iimbestigahan ang pagtataas ng ATM fees

Ayon kay Makati Representative Luis Campos Jr., nababahala sila sa napabalitang pagtataas ng ATM fees dahil posible itong makaapekto sa higit sa 58M katao na gumagamit nito.

Mas higit na apektado ang 4.1M Pilipino na minimum wage earners na gumagamit ng ATM cards sa pagtanggap ng kanilang mga sweldo.

Ang anumang pagtaas sa nasabing ATM fee ay tiyak na lalong makakapagpalaki ng kita ng mga bangko. Sa unang anim na buwan pa lamang ng 2019, 110B piso na ang kita ng mga bangko. Mas mataas ito ng 26% kumpara noong isang taon.

Nag-file ng House Resolution No. 210 si Campos na syang naging tulay para magkaroon ng imbestigasyon ang Kamara sa nasabing pagpayag ng BSP na itaas ang ATM fees.

Noong 2013, bago pa man ilabas ng BSP ang memorandum sa pagpigil sa pagtataas ng nasabing fee, may mga bangko nang ibig itaas ito nang humigit kumulang 50%.

Sa ngayon, nasa 10 – 15 piso ang sinisingil ng mga bangko sa interbank withdrawal at 2 piso naman sa balance inquiry. Posibleng dumoble ang singil ng mga ito pag nagkataon.

Partido Manggagawa tutol sa pagtataas ng ATM transaction charges

Tutol ang Partido Manggagawa (PM) sa napabalitang pagtataas ng ATM fees.

Ayon kay PM National Chairman Rene Magtubo, mahirap na para sa mga manggagawa ang kasalukuyang 15 piso withdrawal fee. Mas lalong magiging mahirap kung dodoblehin pa ito.

RELATED: Land Bank: Tama ang Sinabi ni Duterte

Ang 15 piso ay 3% ng daily minimum wage sa Metro Manila. 4% na ito sa Cavite economic zone. Kung dodoblehin ang ATM fees, ibig sabihin kukubra ang mga bangko ng humigit kumulang 8% kada withdrawal.

Ipinaalala ni Magtubo na napilitan lamang ang mga manggagawa na gumamit ng ATM dahil ito na ang kalakaran sa payroll accounts. Hindi nila kasalanan kung kailangan nilang gumamit ng mga ATM para makuha ang kanilang mga sweldo.

Pinaka-convenient at praktikal na mag-withdraw na lamang sa pinakamalapit na ATM kesa magbyahe o gumastos pa para maghanap ng ATM ng kanilang bangko.

26% ang itinaas ng kita ng mga bangko sa unang anim na buwan ng 2019. Ngayon, ibig pa nilang mas malaki ang makubra sa mga ordinaryong manggagawa. Sobrang pagkagahaman naman nyan?!

 

Sources:

Aquino, L. (2019, August 13). Labor group opposes increases in ATM charges. Retrieved from Manila Bulletin: Labor group opposes increases in ATM charges

Inquirer.net. (2019, August 13). IN THE KNOW: Interbank ATM fees. Retrieved from Inquirer: IN THE KNOW: Interbank ATM fees

Yap, D. (2019, August 13). ATM fee hike looms; House inquiry sought. Retrieved from Inquirer: ATM fee hike looms; House inquiry sought