Ano ba ang Foreign Direct Investments?

Ano ba ang Foreign Direct Investments?

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ang FOREIGN DIRECT INVESTMENTS (FDIs) daw na dumating sa Pilipinas sa unang labing-isang buwan ng 2017 ay umabot ng $8.7 billion. At dahil dito, nalampasan ang itinakdang target na $8 billion para sa buong taon.

Eh teka nga muna. Nagpapalakpakan na ang maraming Pilipino pero hindi naman naiintindihan kung ano ang ibig sabihin ng FDI.

Foreign Direct Investments

Ang Foreign Direct Investment ay isang klase ng pamumuhunan ng isang banyagang nilalang o kumpanya sa isang bansa tulad ng Pilipinas. Ang puhunan na ito ay pwedeng pagtatayo ng negosyo o pagbili o pagkontrol sa isang negosyong nakatayo na sa bansa.

Ang isang banyaga ay interesadong mamuhunan sa isang bansa kung saan may malaking posibilidad ng paglago ang negosyo at may mga empleyadong may kasanayan. Kadalasan, ang FDI ay hindi lamang perang puhunan. Minsan, kasama ang pagbibigay ng teknolohiya o ang pamamahala sa negosyo.

Mga Pamamaraan ng Foreign Direct Investments

  • Pagbubukas ng sangay o branch ng isang banyagang kumpanya
  • Pagbili ng malaking parte ng isang kumpanyang lokal
  • Pagsasama o joint venture ng isang lokal na kumpanya at isang banyagang kumpanya

Sa Pilipinas, may mga business sectors na hindi pwedeng magmay-ari ang mga banyaga tulad ng mga sumusunod:

  • Mass media maliban na lamang ang recording
  • Pagsasanay ng propesyon
  • Mga tindahan na ang puhunan ay hindi bababa sa $2.5M
  • Mga kooperatiba
  • Mga maliliit na minahan
  • Paggamit ng mga kayamanang dagat
  • Pag-aari, pagpapalago, at pamamahala ng mga sabungan
  • Mga gawaing sangkot sa armas na nukleyar
  • Mga gawaing sangkot sa armas na biological, radiological, at kemikal
  • Paggawa ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices

Mga Kategorya ng FDIs

  • Pahalang o Horizontal

Ang ibig sabihin nito, ang banyagang namumuhunan ay magtatayo ng negosyo na katulad ng negosyo nya sa bansang pinanggalingan nya.

  • Patayo o Vertical

Ang ibig sabihin nito, ang banyagang namumuhunan ay magtatayo negosyo o bibili ng isang negosyo na susuporta sa kanyang negosyo sa bansang pinanggalingan. Halimbawa, ang isang cellphone company ay magtatayo sa Pilipinas ng isang negosyo na gagawa ng isang parte ng cellphone.

  • Kalipunan ng mga negosyo o Conglomerate

Ang ganitong klaseng FDI ay ang pamumuhunan ng isang banyagang nilalang o kumpanya sa isang negosyo na walang relasyon sa kahit anumang negosyo nya. Kadalasan, ito ay sa pamamagitan ng joint venture dahil ang banyagang kumpanya o indibidwal ay walang kasanayan sa negosyong gusto nyang pasukin.

Ang Estado ng Foreign Direct Investment sa Pilipinas

Ayon sa report ng Bangko Sentral na ipinalabas noong ika-12 ng Pebrero, positibo ang resulta ng FDIs noong November 2017. Nakapagtala ng $869 million FDIs ang Pilipinas na mas mataas ng 16.9% kesa noong November 2016.

Sinasabi rin na ang pag-angat ng FDIs ay dahil sa 13.1% na paglaki sa pagpapautang na umabot ng $604 million. Ngunit, ang halagang halagang ito ay mas mababa kesa sa $2.017 billion na naitala noong October 2017.

Ayon sa datos ng BSP, ang mga FDIs ay galling sa bansa USA, China, Luxembourg, Hong Kong, at Singapore. Marami sa investments na ‘to ay nasa real estate, manufacturing, gas, electricity, steam and air conditioning supply, trade, at construction activities.

Sinabi rin ng BSP na mataas ang kumpyansa ng mga namumuhunan sa paglago ng bansa at sa macroeconomic fundamentals.

Pero, isang factor lamang ang Foreign Direct Investments sa tamang pagsipat ng ekonomiya. Mali ang sweeping generalization na maunlad nga tayo sa panahon ng rehimeng Duterte. Tandaan lang natin na patuloy ang pagbaba ng halaga ng piso at pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Kung solid ang macroeconomic fundamentals, kumusta naman si Juan at Juana dela Cruz?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *