ANO ANG NAPALA NG PILIPINAS SA PAGDAMI NG MGA INTSIK?

Kahit saan ka lumingon, kahit saan ka pumunta, may Intsik mula sa mainland China. Ano nga ba ang benepisyong nakukuha ng Pilipinas sa kanila?

Bakit dumami ang mga Intsik sa Pilipinas?

Mula 2005 hanggang 2018, kapansin-pansin ang pagdami ng employment permits na ibinigay ng Department of Labor and Employment sa mga Intsik.

Kaya nga, tuwing nakakasalubong natin sila, napapatanong tayo sa ating mga sarili: Bakit sila dumami? Ano ang ginagawa nila rito sa ating bansa?

Sa mga nagdaang taon, talaga namang pansin na pansin ang biglang pagdami ng mga Intsik sa Pilipinas – mga turista, manggagawa, at investors.

Tiyak na malaking papel ang ginampanan ng pagkiling ni Duterte sa Tsina. Ang kanyang pakikipagkaibigan sa kanila ang syang nag-engganyo para sila’y bumisita, magtrabaho, at magnegosyo rito.

Pero, ano nga ba ang napala nating mga Pilipino sa pagdami ng mga Intsik dito?

Pagdami ng mga turistang Intsik

Noong 2018, higit sa isang milyon ang dumayong turistang Intsik sa Pilipinas. Halos triple ang inilago ng pagdating ng mga turista mula sa mainland China, kumpara sa 10 taon na ang nakalipas.

Source: Rappler

Tatlong rason kung bakit dumami ang turistang Intsik sa bansa:

  • Pagtaas ng kita
  • Konti lamang ang travel restrictions
  • Tourism diplomacy

Una, noong 2017, $258B ang tinatayang nagastos ng mga turistang Intsik sa iba’t ibang dako ng mundo. Kaya nga, ang China na ang tinuturing na pinapalaking gumastos sa buong mundo sa larangan ng turismo. Maraming pera ang mga Intsik para sa pagbabakasyon.

Marahil, nakakapagtaka dahil hindi naman matatag ang ekonomiya ng China.

Source: Rappler

Noong isang taon, nagtala lamang ang China ng 6.6% gross domestic product. Ito na ang pinakamababang paglago ng kanilang ekonomiya simula noong 1990. Ganun din, sa 2020, magiging kasingyaman na ng isang ordinaryong Intsik ang isang ordinaryong Amerikano noong 1980.

Mataas pa rin naman ang 6.6% GDP, pero malaki ang ibinaba nito kumpara sa 10% average GDP ng Tsina mula 1980 hanggang 2010.

Ito ang dahilan kung bakit mas maraming Intsik ang nakakalabas ng kanilang bansa para magbakasyon.

Pangalawa, mas madali sa mga turistang Intsik ang magbyahe.

Maluwag ang pagbibigay ng tourist visa sa China ng mga bansang kaibigan nito. Ganun din, may direct international flights sa mga bagong siyudad sa China kung saan andun ang mga middle class.

Noong 2010, tinayang nasa 57M lamang ang turistang Intsik, ngunit noong 2018, lumobo ang bilang nila sa 142M. Kadalasan, bumibyahe sila sa Thailand, Vietnam, Japan, at South Korea.

May ilalago pa ang tourism industry dahil 6% lamang ng mga Intsik ang may passport noong 2017.

Pangatlo, may “tourism diplomacy” ang China. Binibigyan nila ng pabuya ang mga bansang kaibigan nila sa pamamagitan ng pagpapadala ng maraming turista. Nagpalabas naman sila ng travel warnings at iba pang pamamaraan para naman parusahan ang mga bansang di nila kaalyado.

Kaya, posibleng ikonekta ang pagkiling ni Duterte sa China sa pagdami ng turista rito sa Pilipinas.

Pagdami ng manggagawang Intsik

Sa pagdami ng turistang Intsik, nagbukas ito ng maraming pintuan para dumami ang mga manggagawang Intsik sa ibang bansa.

Mula 2005 hanggang 2018, lumobo ang bilang ng mga Intsik na may alien employment permits na ibinigay ng DOLE o Department of Labor and Employment.

Source: Rappler

Ayon sa mga eksperto, isang rason kung bakit dumami ang Chinese workers ay dahil sa paggamit nila ng makabagong pamamaraan ng migration.

Ang isang Intsik na naghahanap ng trabaho ay tinutulungan ng mga kapwa nila Intsik na marunong sa proseso ng migration gaya ng pagkuha ng work permit, pag-apply ng visa, paghahanap ng matitirahan, at maging sa pagkuha ng transportasyon.

Ngunit, marami sa mga manggagawang Intsik sa bansa ay tourist visa lamang ang hawak. Dito na lamang sila sa Pilipinas nag-apply ng work permit o di kaya ay naging overstaying alien na lamang.

Malaking bahagi ng mga manggagawang Intsik ay nagtatrabaho sa mga POGO o Philippine online gambling operation.

RELATED: Sa Usapin ng Illegal Chinese Workers, Kanino Pumanig si Duterte?

Bawal sa China ang online gambling, kaya marami sa mga nagtatrabaho sa POGO ay maingat sa pakikipag-usap sa mga opisyal ng Chinese embassy sa Manila dahil baka sila arestuhin o di kaya ay ipa-deport.

Kaya, wala silang inaasahan na tulong sa kanilang embahada kapag sila ay nasangkot sa anumang legal na problema. Marami sa mga Chinese workers sa bansa ang kinuha ang kanilang mga passports ng kanilang mga employers. Hindi rin sila basta basta nakakalabas ng Metro Manila.

Pagdami ng Investors mula China

Sa mga nagdaang taon, lumobo ang direct investments mula sa China.

Source: Rappler

Ayon sa research ni Alvin Camba para sa PCIJ o Philippine Center for Investigative Journalism, marami sa mga bagong investments ay nasa sektor ng serbisyo gaya ng mga sumusunod:

  • Wholesale and retail trade
  • Tours
  • Entertainment
  • Real estate
  • Hotels
  • Online gambling

Isa sa mga rason sa pagtaas ng Chinese investments ay dahil sa maganda ang itinatakbo ng ekonomiya ng Pilipinas. Noong unang tatlong buwan ng 2019, nagtala ang bansa ng 5.6% GDP. Kahit na mababa ito sa inaasahan, may kumpyansa pa rin sa bansa ang mga Chinese investors.

Pero, ang pinakaimportanteng dahilan ay ang pagkiling ni Duterte sa China na syang naglatag ng isang magandang business climate para sa kanila.

Sa mga byahe ni Duterte sa China, nakapag-uwi sya ng maraming investment pledges mula sa mga Chinese companies. Noong huling tatlong buwan ng 2018, pumalo nang husto ang investment pledges nila.

RELATED: May Pakinabang ba ang Pagkiling ni Duterte sa China?

Ganun din, tinutulungan din si Duterte ni dating Pangulong Arroyo sa paghikayat ng mas maraming Chinese investors.

Mag-ingat sa racism

Ang pagkiling ni Duterte sa China ang pangunahing dahilan kung bakit dumarami ang Intsik sa bansa.

Ngunit, kung pag-uusapan natin ang kanilang pagdami at ang impluwensya nila sa ating ekonomiya, dapat ihiwalay natin ang mga motibo ng Chinese private sector at ng Chinese government.

Syempre, ayaw naman nating maging racist tayo sa mga pribadong Chinese citizens, lalong lalo na ang mga manggagawang walang tamang working permits.

Dahil katulad din ng ordinaryong OFW, marami sa mga Intsik sa Pilipinas ay gusto lamang maghanapbuhay at kumita ng pera para sa kanilang pamilya.

May mga kabutihang dulot din naman ang pagpasok ng mga Intsik sa Pilipinas. Pero syempre, may mga negatibo rin itong dulot. Ayusin lamang ng gobyerno ang pagbibigay sa kanila ng working permits at siguraduhing di nila naaagaw ang mga trabahong dapat sana ay para sa mga Pilipino.

 

Source:

Punongbayan, J. (2019, June 17). [ANALYSIS] Why the influx of Chinese in the Philippines? Retrieved from Rappler: [ANALYSIS] Why the influx of Chinese in the Philippines?