Ano ang Ginagawang Paghahanda sa Trade War?

paghahanda sa trade war

May mga paghahanda sa trade war ng US at China na pinaplano ang NEDA at DTI.

DTI at NEDA may paghahanda sa trade war

Ibig ng Department of Trade and Industry (DTI) at National Economic Development Authority (NEDA) na makakuha ng mas maraming foreign investment sa kasagsagan ng alitan sa pagitan ng US at China. Ganun din, naghahanda sila sa pagpapabuti ng proseso ng pag-apruba, mas malalim na pagsasama-sama sa rehiyon, at pagtulong sa mga maliliit at mga nagsisimulang negosyo na maging matagumpay.

RELATED: US China Trade War: Ano ang Epekto sa mga Pilipino?

Naghahanda rin ang economic team ng mga hakbang para tulungan ang mga manggagawa na posibleng mawalan ng trabaho dahil sa pansamantalang pagbagal ng exports industry.

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, hindi masyadong apektado ang Pilipinas dahil sa 15% lamang ng gross domestic product (GDP) ang naiaambag ng exports pero kung magtatagal pa ang trade war ay tiyak na maaapektuhan ang paglago ng export industry.

Isang oportunidad ang alitan ng US at China para makaengganyo ng mas maraming investors, ngunit kailangan munang masolusyunan ang mga balakid.

Layunin ng DTI na pagbutihin ang mga imprastraktura gaya ng mga pantalan, paliparan, at enerhiya habang hinihikayat ang pagbuo ng startup hubs at pagpapabuti ng sistema ng edukasyon para ihanda ang mga manggagawa sa automation sa trabaho.

Ang agarang layunin ay isulong ang ease of doing business, partikular na ang pagtutulak ng maraming transaksyong online sa pamamagitan ng Central Business Proposal at pagpapatupad ng TradeNet na isang online platform para sa trading permit.

Ibig din ng DTI na tulungan ang maliliit na negosyo na mapalakas ang kanilang ugnayan sa buong mundo at mapabuti ang imprastraktura sa paggawa ng mga produkto at industriya.

Plano rin ng DTI na ipagpatuloy ang mga kasalukuyang istratehiya gaya ng pagpapalalim ng ugnayan ng Pilipinas sa rehiyon sa pamamagitan ng Regional Comprehensive Economic Partnership at iba’t ibang trade agreement sa mga bansa sa Asia-Pacific.

Ayon kay Lopez, ang Pilipinas ang pangalawa sa export sa Asya sa ikalawang quarter ng 2019. Lumago ang export natin ng 1.2%. Ang Malaysia ang isa pang ekonomiya na nagkaroon ng positibong paglago sa parehong period.

Ilan pang pwedeng gawin ng Pilipinas para makaya ang epekto ng trade war

Makakaya ng Pilipinas ang anumang epekto ng alitan ng US at China sa pamamagitan ng paghahanap ng mga posibleng magpataas ng demand para sa ating mga produkto at serbisyo sa loob ng bansa.

  • Pagpapaigting ng consumption spending ng mga tahanan

Tumataas ang consumption spending kapag malaki ang pumapasok na remittances ng Overseas Filipino Workers (OFWs)  ngunit malamya rin naman ang paglago ng ekonomiya ng buong mundo kung kaya apektado rin ang mga OFW families.

  • Pagpapaigting ng investment spending ng mga kumpanya

Mahirap ito sa ngayon dahil bumabagsak ang foreign direct investment (FDI) ng Pilipinas dahil mas nakakahikayat ng investors ang ibang bansa gaya ng Vietnam. Marami sa mga negosyong umaalis ng China para maiwasan ang mataas na buwis ng US sa kanilang mga produkto ay lumilipat na sa Vietnam.

RELATED: PILIPINAS DI MASYADONG NAKABENEPISYO SA TRADE WAR NG CHINA AT US

  • Pagpapaigting ng government spending

Importante ang paggastos ng gobyerno at kayang kaya nitong kontrolin ito. Kaya nga, kailangang magkaroon ng mga hakbang para matulungan ang ating mga magsasaka. Ganun din, kailangang masolusyunan ang problema sa public health gaya ng paglaganap ng mga epidemya. Kailangan ding pag-ibayuhin ang investments sa public infrastructure at low-cost housing.

May mga problemang dumarating sa bansa nang di inaasahan. Kailangang may plano at paghahanda sa trade war ang gobyerno para makayanan natin ang anumang epektong dulot nito.

 

Sources:

Habito, C. F. (2019, September 13). Coping with the trade war. Retrieved from Inquirer: Coping with the trade war

Ibañez, J. P. (2019, September 11). DTI, NEDA preparing measures for long trade war. Retrieved from Business World: DTI, NEDA preparing measures for long trade war