Ano ang Epekto ng Hong Kong Recession sa mga Pilipino?

hong kong recession

Nagtala na ng Hong Kong recession dahil sa dalawang quarter nang negatibo ang GDP doon.

Hong Kong Recession naitala na

Dahil sa mga bayolenteng mga protesta sa kalsada at sa US-China trade war, nasa recession na ang ekonomiya ng Hong Kong. Bumagsak din kasi ang exports ng bansa at pati na rin ang consumer spending at bilang ng mga turista.

RELATED: MAAPEKTUHAN BA ANG PILIPINAS SA BADYANG RECESSION SA ASIA?

Ayon sa mga analysts, ang pag-urong ng ekonomiya sa ikatlong quarter ay isang pasimula ng mahinang ekonomiya na syang magdudulot ng permanenteng pagkasira sa reputasyon ng Hong Kong bilang isang lugar ng pagnenegosyo.

Nagkakaroon ng technical recession kapag mayroong dalawang magkasunod na negatibong paglago ang isang ekonomiya. Inaasahang magpapatuloy pa ito hanggang sa susunod na taon kaya ang dinadanas ng Hong Kong ay totoong recession at di lamang technical recession.

Patuloy ang pagbaba ng dami ng mga turista dahil na rin sa patuloy na protesta ng mga mamamayan laban sa gobyerno. Bumagsak ang retail sales dahil sa maraming tindahan ang sinisira at mga kalsadang hinaharangan. Apektado ang business confidence at investment sa bansa.

Hindi maganda ang outlook ng mga ekonomista sa mga nangyayari sa Hong Kong. Inaasahang patuloy na babagsak ang pagdaloy ng mga kalakal sa bansa sa mga susunod na buwan dahil na rin sa mabagal na paglago ng ekonomiya ng buong mundo. Mas pinalala pa ng mga protesta ang sitwasyon doon.

Malaki na ang pinsang dulot ng political crisis sa Hong Kong. Bagsak na ang reputasyon nito bilang isang matatag at independent na financial hub.

Mga posibleng epekto ng HK slump sa Pilipinas

Hindi naman inaasahang magkakaroon ng malaking epekto ang nangyayari sa Hong Kong sa ating bansa. Kung mayroon man, posibleng exports at OFW remittances ang apektado ngunit sa ngayon, hindi pa ito ramdam sa Pilipinas.

OFW remittances galing sa Hong Kong

Isa sa posibleng pinakamalalang epekto ng Hong Kong recession ay nasa mga overseas Filipino workers (OFWs) doon. Marami rin namang mga Pilipino ang nagtatrabaho sa bansa. Ayon sa pinakahuling datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang Hong Kong ang pangpito sa pinakamalaking OFW remittance na pumapasok sa bansa. Nasa 2.7% ng kabuuang $19.808B OFW remittances ang galing sa Hong Kong.

Mga bansang may pinakamalaking ambag sa OFW remittances:

  • United States – 37%
  • Saudi Arabia – 7.4%
  • Singapore – 6.4%
  • United Arab Emirates – 5.7%
  • United Kingdom – 5.3%
  • Japan – 5.3%
  • Canada – 3.5%
  • Hong Kong – 2.7%

Sinasabing nakabatay sa OFW remittances ang sigla ng household spending sa Pilipinas na syang nag-aambag ng 70%-75% ng GDP.

Merchandise exports sa Hong Kong

Posible rin ang malalang epekto ng recession sa Hong Kong sa exports ng Pilipinas dahil ito ang pang-apat sa pinamalaking export destination natin. Ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 5.7% ang ambag ng Hong Kong sa $46.642B na naitalang export revenues sa unang walong buwan ng 2019.

Mga malalaking export destination ng Pilipinas:

  • United States – 16.4%
  • Japan – 14.9%
  • China – 13.8%
  • Hong Kong – 5.7%

Ang Hong Kong din ang pangsampu sa mga pinagkukuhanan ng merchandise imports ng Pilipinas. 3.2% ng kabuuang $71.345B ang galing sa Hong Kong.

Mga produktong ine-export ng Pilipinas sa Hong Kong:

  • Electronics
  • Gold

Ayon naman kay Philippine Exporters Confederation, Inc. President Sergio R. Ortiz-Luis Jr., posible namang wag na gawing transshipment hub ang Hong Kong at direkta nang ipadala ang mga produkto sa iba’t ibang bansa.

Bahagya lamang ang epekto ng kaganapan sa mga Pilipino

Hindi rin naman kasi nakadepende sa external trade ang ekonomiya ng Pilipinas dahil ang tunay na lakas natin ay nasa domestic sector ngunit kailangan pa ring bantayan kung magkakaproblema ang mga OFW sa Hong Kong sa pagpapadala ng kanilang mga remittance tuwing weekend dahil kadalasang ginaganap ang mga protesta doon tuwing weekend.

RELATED: Economic Forecasts sa Pilipinas Ibinaba

Ngunit ayon naman sa BSP, maliit lamang ang pumapasok na remittances mula sa Hong Kong kaya di inaasahang makakaapekto ito sa kabuuang ekonomiya ng bansa. Kailangang maghanap ang Pilipinas ng mga karagdagang bansang pagdadalhan ng mga produkto at OFWs para mabawasan ang mga banta ng Hong Kong recession.

Sources:

Elliott, L. (2019, October 31). Hong Kong plunges into deep recession. Retrieved from The Guardian: Hong Kong plunges into deep recession

Ibañez, J. P. (2019, October 30). Impact of Hong Kong recession watched. Retrieved from Business World: Impact of Hong Kong recession watched