Ano ang Epekto ng African Swine Fever sa Tao?

african swine fever

Dumarami na ang lugar na may African swine fever. Pati sa Quezon City ay meron na rin nito.

Ano ang African swine fever?

Ang ASF, ayon sa National Meat Inspection Service (NMIS), ay isang nakakahawang sakit na nakakaapekto sa mga baboy. Kapag tinamaan ng ASF ang isang baboy, mawawalan ito ng ganang kumain at magkakaroon ng mataas na lagnat. Magdurugo ang balat nito, pati na rin ang mga lamang loob. Sa pagitan ng dalawa hanggang sampung araw, mamamatay na ang baboy. Wala pang nadidiskubreng gamot para rito.

RELATED: Di Tao si Duterte. Baboy Sya! Baboy! Oink Oink!

Saang lugar sa Pilipinas may ASF?

Dalawang probinsya sa Luzon ang naiulat na may kaso ng ASF. Ito ay ang Rizal at Bulacan. Higit sa 7,000 baboy ang kinatay  sa Rizal. Ayon sa isang ulat ng Food and Agriculture Organization, naapektuhan ng sakit na ito ang mga bansang China, Vietnam, South Korea, Myanmar, Mongolia, Cambodia, at Laos. Sa China, halos 1.2M baboy ang kinatay para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Kinumpirma naman ng Bureau of Animal Industry na nagpositibo sa ASF ang ilang lugar sa Quezon City. Ayon naman kay QC Mayor Joy Belmonte, posibleng nahawa ang mga baboy sa mga nagpalutang lutang na mga patay na baboy sa malapit na ilog. Hinihinalang itinapon na lamang ng mga nag-aalaga ng hayop sa Rizal ang mga patay na baboy para maitago ang ASF outbreak.

Ano ang ginagawa ng gobyerno para pigilan ang pagkalat ng ASF?

Sa Quezon City, ipinagbawal na ang pag-aalaga ng mga baboy sa mga bakuran ng tahanan. Nakiusap naman si Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar sa mga nag-aalaga ng hayop na ipagbigay alam agad kung may pinaghihinalaan silang kaso ng ASF para di na ito kumalat pa. Simula pa noong isang taon ay ipinagbawal na ang pagpapapasok ng mga baboy at mga produktong may baboy mula sa ilang bansa.

Nagpapatupad din ang gobyerno ng “1-7-10 Protocol” sa mga lugar na apektado ng outbreak.

Ano ang 1-7-10 protocol?

1-kilometer radius: Mag-setup ng checkpoints sa mga lugar na posibleng may kaso ng ASF at kailangang patayin ang lahat ng baboy sa loob ng 1-kilometer radius.

7-kilometer radius: kailangang limitahan at bantayan ng mga awtoridad ang pagkilos ng anumang hayop sa itinakdang area.

10-kilometer radius: kailangang i-report ng mga may-ari ng baboy sa loob ng itinakdang area kung may mga sintomas ng sakit ang kanilang mga alaga.

Ayon kay Dar, matagumpay ang inisyatibang ito ng gobyerno at naglilinis na lamang sila sa Rizal.

Pwede bang magkasakit ang tao dahil sa African swine fever?

Hindi banta sa kalusugan ng tao ang ASF, ayon sa NMIS. Pero, pwedeng maging carrier ang tao sa pagpapakalat ng sakit kung nakakain ito ng maysakit na baboy o di kaya ay lumapit sa laman ng baboy na may ASF. Ang virus ay nabubuhay kahit na inilata o naproseso na ang laman. Hinihinala ni Dar na dala ng ilang Pilipino ang sakit mula sa mga bansang may ASF.

Ano ang posibleng epekto ng ASF sa industriya ng pagbababoy?

Isang banta ang sakit na ASF sa 260B pisong industry ng baboy sa bansa. Milyon-milyong pamilyang Pilipino ang umaasa rito para sa kanilang ikinabubuhay. Halos 65% ng buong industriya ay kinabibilangan ng mga maliliit na babuyan na nasa mga bakuran ng tahanan lamang. Ang Pilipinas, sa ngayon, ay may 12M baboy sa imbentaryo nito.

May 82M pisong pondo ang DA para pigilan ang pagkalat ng sakit. Kasama na rin dito ang pagbibigay ng 3,000 pisong tulong sa bawat apektadong baboy.

Ano ang pwedeng maitulong ng publiko sa pagsawata ng African swine fever?

Sa mga nag-aalaga ng baboy, pinaalalahanan sila ng DA na pag-ibayuhin ang mga hakbang para sa seguridad ng mga alagang hayop at ipagbigay alam agad ang anumang di pangkaraniwang kamatayan ng mga alagang hayop. Di inirerekomenda ng DA ang pagpapakain ng kaning-baboy sa mga ito.

Sa mga mamimili, pinapayuhan ng gobyerno na maging mapagbantay sa mga binibiling baboy at mga produktong may baboy. Siguraduhing may selyo ng NMIS ang produkto. Hinihiling din na ipagbigay alam sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan ang anumang sakit ng alagang hayop.

Tataas ba ang presyo ng baboy sa mga pamilihan?

Hindi inaasahan ni DA Secretary William Dar ang pagtaas ng halaga ng laman ng baboy dahil sa African swine fever. Sapat ang supply ng baboy hanggang Disyembre kaya di magbabago ang presyo nito.

Ganun din, ayon kay Dar, posibleng galing sa mga tirang pagkain mula sa mga hotel at restaurant ang sakit. 15 piso kada sako ibinebenta ang mga tirang pagkain na ito na direktang ipinapakain naman sa mga baboy nang di man lang niluluto.

Mas konting hamon sa Pasko dahil sa ASF

Ayon sa Philippine Association of Meat Processors Incorporated (PAMPI), mas kokontian na lamang ng kanilang myembro ang produksyon ng hamon para sa nalalapit na Kapaskuhan dahil di pa tiyak ang mangyayari dahil sa epidemyang dulot ng ASF. Mas konti rin ang mga pinrosesong pork products dahil dito.

Ayon sa PAMPI, nagdesisyon na ang kanilang mga myembro na magbabawas ng 20% ng kanilang produksyon ngayong Pasko.  Tiyak na maaapektuhan ang industriya ng meat processing na may 150,000 manggagawa.

Tinuligsa rin ng PAMPI ang mga walang batayang polisiya ng ilang pamahalaang lokal. Maaapektuhan ang ekonomiya ng Pilipinas kapag ipinagpilitan ng ilang pamahalaang lokal ang pag-ban sa anumang transaksyon na may kinalaman sa baboy.

Ilang mga syudad at probinsya sa Visayas ang nagdesisyong i-ban ang anumang produktong may halong baboy na galing sa Luzon. Ang ASF virus ay mapapatay kung niluto ang processed meat sa pagitan ng 70°C to 116°C nang higit sa isang oras.

RELATED: Paano ipinagtanggol ng mga Mambabatas ang Pork Barrel?

Ngunit, noong Hunyo, kinumpirma ng Bureau of Animal Industry na kontaminado ng ASF ang uwing luncheon meat ng isang Pilipino galing sa labas ng bansa.

Napakaraming epidemya sa Pilipinas at ang African swine flu ay isa lamang dito. Kailangan ng pagtutulungan ng lahat para mapigilan ang pagkalat nito. Wastong kaalaman ang kailangan.

 

Sources:

Maru, D. (2019, September 10). Will African swine fever raise pork prices in the Philippines? Retrieved from ABS-CBN News:Will African swine fever raise pork prices in the Philippines?

Reuters. (2019, September 20). African swine fever spreads to Manila. Retrieved from Interaksyon: African swine fever spreads to Manila

Rivas, R. (2019, September 9). FAST FACTS: What is African swine fever? Retrieved from Rappler: FAST FACTS: What is African swine fever?

Rivas, R. (2019, September 20). Fewer Christmas ham seen as PH combats African swine fever. Retrieved from Rappler: Fewer Christmas ham seen as PH combats African swine fever