Alegria Oil Drilling Chinese Ang May Kontrata

alegria oil

Matagal na rin naman ang proyektong Alegria oil field na Chinese ang nakakuha ng kontrata.

Alegria oil drilling magpapasimula na

Magsisimula na rin sa wakas ang drilling operations sa bayan ng Alegria sa Cebu. Anim na production wells ang pasisimulan ng Polyard Petroleum International Group Limited matapos pumasok ito sa isang Turnkey Drilling Service Agreement sa isang contractor na may kakayahan sa oilfield engineering and technology services noong January 11.

RELATED: Mga Panganib sa Joint Oil Development

Ang Petroleum Service Contract (SC) No. 49 ay isang oil field sa Barangay Montepeller, Alegria. Ang China International Mining Petroleum Co. Ltd. (CIMP) na syang subsidiary ng Polyard ang syang may hawak ng kotrata. Sa isang disclosure na isinumite nito sa Hong Kong Stock Exchange at sa Hong Kong Exchanges and Clearing Limited, nakasaad doon na nakumpleto na ng CIMP ang exploration stage sa ilalim ng SC No. 49 para sa Alegria oil field.

Dahil dito, pumasok na ang kumpanya sa isang Turnkey Drilling Service Agreement sa East Asia Oil Engineering Group Limited para sa paghuhukay sa anim na production wells. Valid hanggang December 31, 2020 lamang ang drilling agreement na syang nagbibigay kapangyarihan sa East Asia Oil na mag-invest sa isang on-site oil refinery  na tinatayang pwedeng mag-produce ng 800,000 bariles ng langis kada taon.

Ang CIMP ang syang magbibigay ng mga lupa para sa setup at tutulong din sa contractor para makakuha ng mga kaukulang permit, clearance, at approval mula sa gobyerno ng Pilipinas. Base sa Drilling Agreement, responsibilidad ng East Asia Oil ang magbigay ng turnkey services sa CIMP para sa drilling ng anim na production wells. Kailangan ding magbigay nito ng drilling equipment at iba pang related services.

Ang bawat production well ay nagkakahalaga ng US$815,000 at ang anim na production wells ay nagkakahalaga ng US$4.9M. Hindi kasama rito ang 8% withholding tax. Ang kasunduan ng dalawang kumpanya ay sinasabing makakapagpabuti sa crude oil selling activities ng CIMP. Matatandaang naging opisyal na ang Alegria oil field exploration noong May 2018 na pinangunahan ni Duterte. May 80% stake ang CIMP sa service contract na syang tatagal ng 25 taon.

Sa ilalim ng Presidential Degree 87 o ng Oil Exploration and Development Act of 1971, may 60% share ang gobyerno ng Pilipinas sa net sales ng proyekto samantalang 40% naman ang makukuha ng CIMP.

Samantala, sa 60% na share ng Pilipinas, paghahati-hatian pa ito ng mga sumusunod:

  • 60% national government
  • 18% Alegria municipal government
  • 14% Barangay Montpeller
  • 8% Cebu provincial government

Oil field sa Alegria posibleng makasuporta sa 60MW gas plant

Ayon kay Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi, dalawa sa balon ng Alegria Oil Field ay posibleng makapagbigay ng 360 bariles ng langis kada araw. Ang buong oil field ay posibleng makapagsuporta sa isang 60MW gas plant na makakatulong para sa power supply sa Visayas, partikular na sa Cebu.

Matutulungan nito ang mga lokal na industriya na gumagamit ng crude oil. Ang CIMP ang nakadiskubre na may kapasidad ang Alegria ng 27.93M barrels of oil at posible ang 3.35M barrels of oil na production recovery o 12% ng total oil reserves. Base sa nadiskubre ng CIMP, 9.42B cubic feet ang natural gas at 6.6B cubic feet o 70% ang recoverable resource. Hanggang 2037 tatagal ang natural gas and oil production sa Alegria oil field.

Malaking tulong sa bayan ng Alegria

Ayon kay Alegria mayor Verna Magallon, karagdagang kita sa bayan nila ang anumang kanilang matatanggap mula sa Alegria oil field at magagamit nila ito para sa mas maraming serbisyo sa mga mamamayan. Di pa naman nila alam kung magkano talaga ang makukuha nila dahil sa kokonti pa lamang ang produksyon ng nasabing oil field.

Mga dalawang taon pa bago malaman ng alkalde kung magkano ba talaga ang share nila sa kita ng oil field. Mapopondohan nito ang budget ng bayan. Balak ng alkalde na gamitin ang pera para sa pagkakaroon ng mas maraming tubig na maiinom ang mga residente, pagkakaroon ng kuryente sa mga liblib na lugar, healthcare gaya ng libreng gamot, at cash assistance sa persons with disabilities at senior citizens. Ibig din ng mayor na mai-promote ang bayan bilang “Organic Vegetable Basket” sa Cebu.

Ayon naman kay CIMP Country Manager Edgar Benedict Cutiongco, ibibenta nila ang langis na makukuha sa Alegria sa mga power plant sa halagang US$70 kada bariles na syang presyo nito sa world market. Magkakaroon naman ng komite ang municipal government para sa monitoring ng operasyon ng oil field para masiguradong hindi nasisira ang kapaligiran.

Shell handang bilhin ang crude oil ng Alegria

Kinumpirma naman ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. na interesado itong bilhin ang crude oil mula sa nasabing bayan at pati na rin ang gas na nadiskubre rito para magamit ng kanilang oil refinery sa Batangas. Ngunit, hindi pa nila alam kung pwede nga ang kalidad ng crude oil para sa kanilang produksyon. Ganun din, hindi pa nila alam kung sapat ang suplay nito para kumita ang kumpanya.

Ayon sa CIMP, posibleng makapag-supply ang Alegria oil field sa Shell ng hanggang 10,000 bariles ngayong taon. Nasa 110,000 bariles kada araw ang pangangailangan ng Shell at ipinapasuri na ang crude oil sa Hong Kong para malaman kung compatible ito sa Batangas refinery.

RELATED: Ang Swerte ni Dennis Uy! Sya na sa 3rd Telco, Sya pa rin sa Oil Contract?

Pagdagsa ng mga migrante sa Alegria

Nagbabala naman si Duterte na dapat maging handa ang mga residente sa posibleng pagdagsa ng mga tao dahil sa pagbubukas ng minahan ng langis.

Malaki ang posibilidad ng pag-unlad ng bayan dahil sa pagpapasimula ng operasyon ng Alegria oil fied. Hopefully, ang anumang benepisyo sa pag-unlad na ito ay may mas malaking pakinabang sa mga mamamayan.

 

Sources:

Erram, M. B. (2020, January 18). Drilling services to start in Alegria oil field soon. Retrieved from Cebu Daily News – Inquirer: Drilling services to start in Alegria oil field soon

Flores, A. S. (2018, December 11). Shell confirms interest in buying crude from Cebu oilfield. Retrieved from Manila Standard: Shell confirms interest in buying crude from Cebu oilfield

Rappler. (2018, March 18). Cebu’s Alegria Oil Field can power 60-megawatt gas plant – DOE. Retrieved from Rappler: Cebu’s Alegria Oil Field can power 60-megawatt gas plant – DOE

Saulon, V. V. (2018, May 20). Chinese company launches onshore oil project in Cebu. Retrieved from Business World: hinese company launches onshore oil project in Cebu

SunStar. (2018, May 21). ‘Town residents to benefit from Alegria oil field’. Retrieved from SunStar: ‘Town residents to benefit from Alegria oil field’