FROM 1 TO CARDEMA, GAANO KAKAPAL ANG MUKHA MO SA PANGUNGUNA SA NYC?

Sukdulan ang kakapalan ng mukha ni Ronald Cardema sa NYC. Pinapayagan naman ang ganitong uri ng kabulastugan ng rehimeng Duterte. May kinabukasan pa ba ang bayan?

Kontra Daya Hiniling na Imbestigahan si Cardema at ang Duterte Youth

Noong February 2019, hiniling ng Kontra Daya, isang election watchdog, na mag-resign o mag-leave sa pagiging Chairperson ng National Youth Commission si Ronald Cardema dahil sa ugnayan nito sa Duterte Youth party-list na tumakbo noong katatapos lamang na halalan.

Hinimok din ng grupo ang COMELEC na imbestigahan si Cardema dahil sa posibleng conflict of interest at paggamit ng pondo ng gobyerno para sa kampanya ng Duterte Youth.

Ayon sa grupo, ang unang nominee ng Duterte Youth ay ang asawa ni Cardema. Chairperson din naman kasi ito ng Duterte Youth. Kung kaya, posible ang conflict of interest kaya hiniling ng Kontra Daya na mag-resign o mag-leave muna sya bilang Chairperson ng National Youth Commission.

Maliban sa delicadeza, ang resignation o leave ni Cardema mula sa NYC ay para patunayan na ring walang pang-aabuso ng kapangyarihan at awtoridad.

Kailangang sagutin ni Cardema ang paratang na hindi naman marginalized at underrepresented ang Duterte Youth dahil may pwesto na sya sa gobyerno. Ganun din, tila baga ang Duterte Youth ay hindi tunay na nagsusulong ng interes ng kabataan. Bagkus, nagsusulong ito ng interes ng pamilya ni Cardema.

Ginamit na rin naman ng Duterte Youth sa kanilang mga tarpaulin ang logo ng House of Representatives.

Pinabulaanan naman ni Cardema na gumagamit ng pondo ng gobyerno ang Duterte Youth sa kanilang pangangampanya. Wala rin daw masama kung mga kaanak nya ang nominado bilang kinatawan ng Duterte Youth.

Mga Kamalasaduhan sa National Youth Commission sa Ilalim ng Liderato ni Cardema

Pinuna ng Commission on Audit ang National Youth Commission sa ilalim ng pangunguna ni resigned Chairman Ronald Cardema dahil sa sobra-sobrang paggamit ng leave credits at paggastos para sa travel na nagkahalaga ng 1.669M pesos noong 2018.

Tinukoy din sa annual audit report ng COA ang 1.539M pesos na iregularidad sa leave credits sa 83 empleyado ng NYC.

Maling Leave Credits

Ayon sa COA, 67 empleyado ang may maling leave credit balances na nagkakahalaga ng 680,675.91 pesos matapos ang compensatory time-offs. Ginamit nila ito para i-offset ang official travels kapag weekend o holiday.

Ayon sa COA, mali ang komputasyon ng leave credits dahil ang ilang absences na binayaran ng CTO o special days off ay hindi naibawas sa mga leave credits.

Matatandaang may joint circular ang Civil Service Commission at Department of Budget and Management noong 2004 na pumapayag sa pagbibigay ng CTOs sa mga empleyado sa halip na bayaran sila ng overtime.

Ngunit, ayon sa COA, hindi naman kasama sa CTOs ang mga official travel. Ginamit pa nga ng ibang empleyado ang leave credits nila sa pagbalik sa kanilang mga lugar o tahanan. Binayaran pa sila ng travel allowance.

Kaya, pinapabawas ng COA sa NYC ang mga nakuhang CTOs sa leave credits o kaya sa sahod ng 67 empleyado. Kailangang kanselahin ng Human Resources Office ng NYC ang mga CTO applications at itigil na ang pagpapagamit nito kapag ang travel ay tumapat sa weekend o holiday.

Pumayag naman ang NYC sa rekomendasyong ito ng COA.

Pag-convert ng Leave Credits sa Cash

16 empleyado ng NYC ang nakapag-convert sa cash ng kanilang leave credits na nagkakahalaga ng 858,926.63 pesos hanggang August 1, 2018. Pero, hindi naman sila sumunod sa requirements na nakapaloob sa COA Circular No. 2012-01.

Ayon sa circular, 50% ng naipon na leave credits ang posibleng ma-convert sa cash para gamitin sa kalusugan, calamity, edukasyon, pagbabayad sa utang, at iba pang emergencies.

Ngunit, ayon sa COA, ginamit ng mga empleyado ang pera para sa personal expenses na hindi nakapaloob sa circular.

Ayon naman sa NYC, naproseso ang leave credits sa ilalim ng Civil Service Commission Memorandum Circular 41 of 1998.

Mga Gastos sa Byahe

Ganun din, nadiskubre ng COA ang sobra-sobrang paggastos sa byahe ng ilang empleyado na nagkakahalaga ng 129,718.66 pesos hanggang September 30, 2018.

Ayon sa Section 4 ng EO 298, 800 pesos lamang ang dapat na travel expenses ng sinumang kawani ng gobyerno. Nakapaloob din sa Executive Order na pwede lamang ma-reimburse ang gastos sa mga kinakailangan lamang.

Hindi nakasunod dito ang NYC dahil may mga binayaran itong travel expenses na nagkakahalaga ng 5,200 pesos kada opisyal at 2,400 pesos kada staff.

Ganun din, sobra sobra rin ang 37,581.84 pesos na ginastos para sa pagkain. Ang ilang opisyal ng NYC ay gumastos ng 720 – 1,500 pesos para sa pagkain lamang.

Pinaalalahanan ng COA ang NYC na maging masinop sa paggastos at singilin ang mga empleyadong sobra ang natanggap na benepisyo.

COMELEC Pinayagan ang Substitution ni Cardema bilang Kinatawan ng Duterte Youth

Kanina lamang ay inilabas na ng COMELEC ang desisyon nitong paupuin si Ronald Cardema bilang kinatawan ng Duterte Youth sa House of Representatives.

Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, pwedeng maupo bilang party-list representative si Cardema matapos itong maaprubahan ng COMELEC.

Matatandaang maraming grupo ang humiling sa COMELEC na ibasura ang substitution dahil lumabag si Cardema sa Party-List System Act. Lumampas ang edad nya bilang kinatawan ng kabataan. Ayon sa batas, ang kinatawan ng kabataan ay hindi dapat lumampas ng 30 years old sa araw ng halalan. Si Cardema ay 33 years old na.

Kinwestyon din ng mga eksperto ang timing ng substitution ni Cardema dahil nag-file sya noong May 12, Linggo, bandang 5:30pm.

Ayon sa mga election lawyers, invalid ang petisyon ni Cardema dahil sa oras ng filing nito. Noong November 29, 2018 pa kasi ang deadline ng pagpetisyon ng substitution dahil sa nag-withdraw ang kandidato.

Isang paglapastangan sa batas at pag-iwas sa regulasyon ng COMELEC ang ginawa ni Cardema.

Mga pumayag sa substitution ni Cardema:

  • COMELEC Chairman Sheriff Abas
  • Commissioner Al Parreño
  • Commissioner Socorro Inting
  • Commissioner Marlon Casquejo
  • Commissioner Antonio Kho Jr.

Di sumang-ayon sa desisyon ng COMELEC:

  • Commissioner Rowena Guanzon

Di bumoto:

  • Commissioner Luie Tito Guia

Isang malaking sampal sa demokrasya ang isang tulad ni Ronald Cardema. Hindi naging masinop ang pamamalakad sa National Youth Commission. Anong kasiguraduhan ng sambayanan na magiging mabuting kinatawan sya ng kabataan sa House of Representatives?

 

Sources:

Roxas, J. (2019, June 3). COA flags Cardema-led NYC for P1.67-M ‘excessive’ leave credits, travel expenses. Retrieved from GMA News: COA flags Cardema-led NYC for P1.67-M ‘excessive’ leave credits, travel expenses

Roxas, P. V. (2019, February 21). Probe NYC, Duterte Youth for use of gov’t funds, conflict of interest — poll watchdog. Retrieved from Inquirer: Probe NYC, Duterte Youth for use of gov’t funds, conflict of interest — poll watchdog

Tomacruz, S. (2019, June 4). Comelec approves substitution bid of Duterte Youth’s Cardema. Retrieved from Rappler: Comelec approves substitution bid of Duterte Youth’s Cardema