COA TO ARMY: IBIGAY NYO ANG PERANG PARA SA MGA SUGATANG SUNDALO SA MARAWI

Nasaan ang perang para sa mga sugatang sundalo sa Marawi? Bakit hindi pa naibibigay ng Philippine Army ang kabuuang donasyon?

47.6M piso para sa mga sugatang sundalo sa Marawi di pa rin nagagastos

Ayon sa 2018 audit report ng Commission on Audit (COA), nananatiling di naibibigay ang mga perang donasyon para sa sugatang sundalo ng Philippine Army sa 2017 Marawi siege.

20% ng 235M o 47.643M piso ng Marawi Fund mula sa Armed Forces of the Philippines at iba’t ibang donors ang di pa rin ginagastos.

RELATED: MGA SUGATANG SUNDALO SA MARAWI KAKARAMPOT ANG NATANGGAP NA TULONG

Ngunit, 165.451M piso naman ang nagastos na. 128.490M piso ay naibigay sa mga naulila ng mga sundalong napatay sa bakbakan at 36.961M piso naman ang ginastos para sa “Observation Tour on Safety and Security” travel ng mga babaeng empleyado ng Philippine Army, Philippine Navy, at Philippine Air Force sa Hong Kong.

Ayon sa COA, ang Hong Kong trip ay suporta ng gobyerno para itaas ang kumpyansa ng mga bagong bayani.

RELATED: All Together Now: Nasaan ang Marawi Fund?

Walang malinaw na panuntunan ang paggastos ng 165.451M piso na cash donations lalong lalo na ang perang nakalaan para sa mga sugatang sundalo ng Philippine Army. Ito ang dahilan kung bakit mabagal ang pagbibigay ng donasyon. Dahil dito, hindi na napakinabangan ng mga sundalo ang pera.

Ayon din sa report, 9.98M piso ang sobrang naibigay sa mga naulila ng mga sundalo.

Nakalagay sa direktiba ng AFP General Headquarters na bibigyan ng tig-1M piso ang mga naulilang pamilya. Ngunit, 117 naulila ang nakatanggap ng 1.085M piso at isa naman ang nakatanggap ng 1.035M piso.

RELATED: MAY DUNGIS NA ANG TUMANGGAP NG LIBRENG MECCA TRIP GALING SA MARAWI FUND

Hiniling ng COA na magkaroon ang Philippine Army ng maayos na panuntunan sa paggamit ng Marawi Fund at gamitin ang pera nang napapanahon.

Ganun din, kailangang bigyan katwiran nito ang pasobrang benepisyo sa mga naulila.

Dalawang taon na ang nakalipas. Hanggang ngayon, di pa rin natatanggap ng mga sugatan ang kabuuan ng pondong nakalaan sa kanila. NASAAN ANG MARAWI FUND?

 

Source:

Ayalin, A. (2019, July 3). COA flags unused P47.6M fund for wounded Marawi soldiers. Retrieved from ABS-CBN News: COA flags unused P47.6M fund for wounded Marawi soldiers