Black Sand Mining: Bakit Illegal?

black sand mining

Kasakiman ng tao ang dahilan kung bakit patuloy ang black sand mining sa Cagayan.

Cagayan provincial board humiling ng tulong sa black sand mining

Hiniling ng Cagayan provincial board kay Duterte na ipatigil ang sinasabing ilegal na black sand mining sa Cagayan River. Ang black sand o magnetite ay ginagamit sa paggawa ng bakal.

RELATED: Chinese Investors Interesado sa Tatlong Isla

Ayon dito, isang banta sa ikabubuhay ng mga taga-Cagayan at pati na rin sa kalikasan ang paghuhukay ng Pacific Offshore Exploration Inc. (POEI).

Ayon kay Board Member Mila Catabay-Lauigan, umaapela sila sa Pangulo para suspindehin ang operasyon ng kompanya na hindi pa nakakakumpleto ng requirements.

May memorandum of agreement ang POEI sa provincial government para sa paghuhukay sa bayan ng Aparri noong Hunyo.

Ngunit, ayon kay Board Member Vilmer Viloria, wala pang environmental compliance certificate (ECC) at iba pang permit ang nasabing kumpanya kaya ilegal ang operasyon nito.

Sa isang board resolution, sinabing kumikita ng humigit kumulang 2.6B piso ang kontratista kada buwan dahil sa alegasyon ng black sand mining.

Ayon sa mga residente sa Cagayan River, marami silang nakikitang dredging vessels na may mga Chinese markings simula noong Hulyo.

Noong isang linggo, sa kasagsagan ng bagyong Hanna, isa sa mga dredging vessels ay nadala ng malakas na hangin at alon, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Ngunit, itinanggi ito ni Cagayan Governor Manuel Mamba. Ayon sa kanya, bubuksan ang Aparri port kaya kailangang hukayin ang bunganga ng Cagayan River. Mabuti ito sa ekonomiya at relasyong pangkalakalan ng Cagayan, China, at iba pang bansa sa Asya.

Magre-resign si Mamba kapag napatunayang black sand mining nga ang ginagawang operasyon.

Ayon din sa gobernador, libre ang paghuhukay na ito ng POEI. Noong 2018, inaprubhan ng regional development council ang resolusyon sa pagbubukas muli ng port of Appari.

Ngunit, noong August 6, inaprubahan ng Aparri municipal council ang resolusyon na humihiling sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magpalabas ng cease and desist order laban sa POEI. Ayon dito, inilalabas ng bansa ang mga materyales na nakukuha sa paghuhukay.

POEI itinangging ilegal ang operasyon

Itinanggi ng Pacific Offshore Exploration Inc. (POEI) ang alegasyon tungkol sa kanilang dredging operations.

Ayon sa legal counsel nito na si Dominador Say,  may dredging project para sa pagbubukas muli ng Port of Aparri.

Ayon din sa kanya, nagpalabas ng report ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) na nagsasabing mababang klase ang black sand na matatagpuan sa Cagayan River kaya wala itong masyadong halaga.

Di pa rin naman nagpapasimula ang actual dredging dahil may exploratory and testing activities pang ginagawa ang kumpanya.

Itinanggi rin ng abogado na walang kaukulang permit ang proyekto ng POEI. Hindi rin totoong kumikita sila ng 2.6B piso kada buwan.

Handa rin ang kumpanya na kunin ang mga taga-Aparri para mabigyan sila ng hanapbuhay sa dredging operations.

Ayon din kay Say, ang Cagayan provincial board ang humirang sa POEI at inaprubahan nito ang pagkakaroon ng kasunduan ni Mamba at ng kumpanya.

Anong nangyari noon tungkol sa ilegal na pagmimina ng magnetite?

Ang ilegal na gawain sa pagmimina ng black sand ay nangyayari sa iba’t ibang bayan sa probinsya ng Cagayan kahit na tinututulan ito ng mga mamamayan at nire-raid ng mga awtoridad ang mga operasyon.

Maraming grupo na ang nagreklamo dahil inilalabas ng bansa ang magnetite sa pamamagitan ng Port Irene sa Santa Ana, Cagayan gamit ang mga kwestyonableng permit na ibinigay ng national at local governments.

Noong August 2013, nadiskubre ng MGB ang ilang kompanya na karamihan ay Chinese na binigyan ng permit ng nasabing ahensya o ng provincial government ang syang nagmimina ng magnetite.

18 Chinese na nagtatrabaho sa Hua Xia Mining and Trading Corp. ang naaresto sa isang black sand processing plant sa bayan ng Aparri. Ang permit na naibigay sa nasabing kumpanya ay para lamang sa bayan ng Gonzaga.

Nagpatuloy ang pagmimina ng magnetite noong 2014. Kadalasang sa gabi ito isinasagawa na syang gumigising sa mga residente dahil sa maingay na makina.

Nabaril at napatay si Gonzaga mayor Carlito Pentecostes Jr. noong April 2014 ng di kilalang salarin matapos ang flag raising ceremony sa municipal hall. Supporter ng black sand mining ang nasabing mayor.

Noong June 2014, walong Pilipino at isang Chinese miner ang naaresto sa bayan ng Gonzaga dahil sa ilegal na operasyon.

Matapos ang inland extraction noong 2009 hanggang 2014, lumipat naman ng ilang kilometro ang operasyon ng magnetite mining. May mga panukalang hukayin ang dagat 9-15 kilometro mula sa pampang para kunin ang magnetite.

Kailan nagiging ilegal ang black sand mining?

Legal naman ang pagmimina ng black sand kung ang kumpanya ay may mga permit at ginagawa ito sa mga reservoirs at protective areas.

Kalaban ni Mamba ang kanyang sariling provincial board na humiling na makialam na si Duterte para ipatigil ang pagmimina ng magnetite sa Cagayan.

RELATED: NATURAL RESOURCES NABENTA NA!

Kaduda-duda rin naman ang sinabi ng gobernador na nag-alok ang isang Chinese company na hukayin ang bunganga ng Cagayan River nang libre para sa pagbubukas muli ng Port of Aparri.

Sabi nga ni economist Milton Friedman, “There is no such thing as a free lunch.”

May panukala (Senate Bill 960) si Senator Leila de Lima na ipatigil ang lahat ng uri ng black sand mining dahil sa masamang dulot nito sa environment. Ito ay isa sa dahilan ng sobrang pagbaha, soil erosion, at pagkaubos ng fishery resources.

Ayon sa MGB, masusi nilang pag-aaralan muli ang black sand mining matapos pasimulan ng rehimeng Aquino ang pagtugis sa mga mining companies na lumalabag sa environmental rules.

Personal na interest ng mga mining companies at ilang korap na politiko ang dahilan ng pagkasira ng kalikasan at pagkawala ng ikabubuhay ng mga mamamayan sa Cagayan dahil sa black sand mining. Kailan kikilos ang mga kinauukulan?

 

Sources:

Inquirer Research. (2019, August 14). WHAT WENT BEFORE: Illegal black sand mining. Retrieved from Inquirer: WHAT WENT BEFORE: Illegal black sand mining

Mercado, N. (2019, August 15). No black sand mining in Cagayan River, firm assures. Retrieved from Inquirer: No black sand mining in Cagayan River, firm assures

Villanueva, V. A. (2019, August 15). The dark side of black sand mining. Retrieved from Business Mirror: The dark side of black sand mining

Visaya Jr., V. (2019, August 14). Cagayan execs seek Duterte’s help vs ‘black sand mining’. Retrieved from Inquirer: Cagayan execs seek Duterte’s help vs ‘black sand mining’