2018 SALN ni Duterte: May Kababalaghan Ba?

2018 saln ni duterte

Hanggang ngayon, di pa rin isinasapubliko ng Ombudsman ang 2018 SALN ni Duterte. Bakit?

Panelo: Di kailangang i-release ni Duterte ang 2018 SALN nya

Matatandaang ipinangako ni Duterte na magiging transparent o hayag ang kanyang pamahalaan, ngunit maging ang kanyang opisina ang nagsabing hindi nito responsibilidad na isapubliko ang kanyang 2018 Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Ang SALN ay isang importanteng dokumento na nagpapakita ng paglago o pagbaba ng kayamanan ng isang opisyal ng gobyerno para sa mga taong sya’y nanungkulan. Ang pagsasapubliko nito ay isa sa mahalagang panlaban sa korapsyon.

Ngunit, ayon sa isang pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo noong December 13, sinabi nitong ang Office of the Ombudsman ang may responsibilidad na isapubliko ang 2018 SALN ni Duterte.  Wala naman daw batas na nagsasabing kailangang ihayag ng Pangulo nang personal ang kanyang SALN.

RELATED: Ano ang Maasahan ng Sambayanan sa Susunod na Ombudsman?

Ito ang reaksyon ni Panelo sa ulat ng Philippine Center of Investigative Journalism (PCIJ) na wala pang isinasapubliko si Duterte o ang Ombudsman na SALN ng Pangulo kahit na pitong buwan na ang nagdaan matapos ang deadline ng submission nito.

Ngunit, ang Office of the Ombudsman naman din ang nagsabi sa mga reporters na humiling ng kopya sa Malacañang dahil hindi pa raw ito tapos na isapinal ang bagong patakaran sa pagsasapubliko ng SALN. Sa mga nagdaang taon, isinasapubliko ng Office of Ombudsman ang SALN ni Duterte. Ang pagkaantala ng pagsasapubliko ng SALN ng Pangulo ang kauna-unahang nangyari sa loob ng 30 taon.

Kinumpirma ni Panelo na nagsumite si Duterte ng SALN bago ang April 30, 2018 deadline.

Ano ang patarakan sa pagsasapubliko ng SALN?

Ayon sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (RA 6713), ang Office of the Ombudsman ang tagapangalaga ng mga SALN ng Pangulo at iba pang matataas na posisyon sa gobyerno. Ayon kay Panelo, hindi naman mauutusan ni Duterte ang Ombudsman na isapubliko ang SALN nito dahil lamang sa transparency.

Maging ang sariling Freedom of Information Executive Order ni Duterte ay nagpapaalaala sa mga opisyal na isumite at isapubliko ang kani-kanilang SALN nang naaayon sa batas. Ayon naman sa Implementing Rules and Regulations ng RA 6713, ang SALN ay kailangang din isumite sa mga departamento, opisina, o ahensya kung saan nagsisilbi ang government official.

Matatandaang isinapubliko na ni Vice President Leni Robredo ang kanyang 2018 SALN. Ayon naman kay Panelo, di naman makatarungang gamiting isyu ang di pagsasapubliko ng SALN ng Duterte bilang katibayan na wala itong commitment sa transparency. Wala raw itong basehan at malisyoso pa.

PCIJ: Pinagpapasa-pasahan lamang tungkol sa 2018 SALN ni Duterte

Ayon sa report ng PCIJ, nag-request na sila ng SALN ng Pangulo sa opisina ng Ombudsman noong June at August. Noong June 18, 2019, sinabi ni Assistant Ombudsman Pilarita T. Lapitan na nirerebyu at nirerebisa pa nila ang mga polisiya at patakaran hinggil sa pagsasapubliko ng mga SALN. Sinabihan ang PCIJ na humingi na lamang ng kopya sa Office of the President.

Nagpadala nga ng mga sulat ang PCIJ sa Malacañang Records Office (MRO) at sa Office of the Executive Secretary sa pagitan ng June at September. Noong July 2, sinabi ni Concepcion Zeny Ferrolino-Enad ng MRO na hindi kasama sa file nila ang hinihiling na dokumento. Sinabi nito na humiling na lamang ng kopya sa Ombudsman.

Ngunit, inulit lamang ng Office of the Ombudsman ang kanilang sagot sa SALN request ng PCIJ. Hindi pa tapos ang guidelines sa pagsasapubliko ng SALN at sa Malacañang na lamang humiling ng kopya. Lumiham ang PCIJ kay Executive Secretary Salvador Medialdea na syang hepe ng MRO. Malinaw naman ang Implementing Rules and Regulations ng Code of Conduct for Public Officials. May kopya ang mga departamento, opisina, at ahensya ng pamahalaan kung saan nagsisilbi ang isang government employee.

Hindi pinagbigyan ni Medialdea ang hiling ng PCIJ. Ayon sa kanya, hindi sinasabi ng batas na kailangang magtago ng kopya ng 2018 SALN ni Duterte ang kanyang opisina. Sinabihan na lamang ang PCIJ na hintaying pagbigyan sila ng Office of the Ombudsman. Noong December 9, inulit muli ng Ombudsman ang kanilang sagot. Humiling na lamang ng kopya ang PCIJ sa Malacañang.

Anim na buwan na simula nang unang sinabi ng Office of the Ombudsman na hindi pa sila tapos sa guidelines, hindi pa rin sila tapos hanggang ngayon? Ang mga Ombudsman matapos ang 1986 EDSA Revolution ay palaging nagbibigay ng mga circular at guideline hinggil sa proseso sa pagsasapubliko ng SALN. Tanging si Ombudsman Martires lamang ang di nagbibigay ng SALN.

Nakakapagtaka namang masyadong istrikto tungkol sa pagsunod sa SALN si Martires noong Supreme Court Associate Justice pa lamang ito. Bakit ngayong Ombudsman na sya ay naantala ang pagbibigay nya ng guidelines?

RELATED: Pinagtibay ng Korte Suprema ang Corruption Charges kay Grace Padaca

May hiwalay na concurring opinion si Martires noong sya’s Associate Justice ng Korte Suprema tungkol sa pagpapatalsik kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto dahil sa hindi nya naisumite ang lahat ng SALN nya sa Judicial and Bar Council. Pagkatapos, anim na buwan bago sya magretiro, nahirang ni Duterte si Martires para maging Ombudsman.

Magtatapos na ang 2019. Sa April 2020, required na naman mag-submit ng SALN ang mga government officials at employees. Ano bang mahirap sa paggawa ng guidelines ha? May kababalaghan bang dapat pagtakpan?

 

 

Sources:

Ranada, P. (2019, December 13). No need for Duterte to release his 2018 SALN – Panelo. Retrieved from Rappler: No need for Duterte to release his 2018 SALN – Panelo

Rappler. (2019, December 12). Duterte’s 2018 SALN still secret 7 months after deadline – PCIJ report. Retrieved from Rappler: Duterte’s 2018 SALN still secret 7 months after deadline – PCIJ report